MANILA, Philippines – Tinawag ni Senador Bam Aquino na isang mahalagang hakbang sa pagtugon sa krisis sa edukasyon ang pagsasabatas ng amyenda sa Enhanced Basic Education Act na nag-aalis sa requirement na gamitin ang spiral progression sa K to 12 curriculum.
Nag-lapse bilang batas noong Aug. 2 ang Republic Act No. 12322, na isinulong ni Aquino bilang principal sponsor at co-author bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Inaamyendahan ng batas ang Section 5 ng Republic Act No. 10533, o ang Enhanced Basic Education Act of 2013, upang bigyan ang Department of Education (DepEd) ng mas malawak na kalayaang gamitin ang pamamaraang sa tingin nito ay pinakaepektibo sa pagtuturo.
Sasailalim naman ang gagamiting sistema sa regular na pagsusuri.Ito ang ikalawang panukala ni Aquino ukol sa edukasyon na naging batas ngayong 20th Congress, kasunod ng pagpapatibay ng Republic Act No. 12321, o ang Last Mile and Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) Schools Act.
“Sa batas na ito, aalisin na ang spiral progression para hindi na malimita ang DepEd, school administrators, at mga guro sa pagpaplano at pagpapatupad ng curriculum na sa tingin nila ay angkop sa pangangailangan ng ating mga estudyante,” wika ni Aquino.
“Ito’y isang mahalagang hakbang tungo sa pagresolba ng education crisis at makatutulong para mapataas ang proficiency at literacy sa ating mga paaralan,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa Senador, makatutulong ang batas upang matiyak na makukuha muna ng mga estudyante ang kinakailangang kasanayan at sapat na pag-unawa bago sila umusad sa susunod na baitang.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Aquino na batay sa mga konsultasyon sa mga guro, ang pagpapatupad ng spiral progression ay nagdulot ng mas malaking hamon sa pagtuturo at pagkatuto.
Natuklasan din sa Year One Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na nagdulot ng mga hamon sa mga guro ang pagpapatupad ng spiral progression approach sa pagtuturo ng curriculum. Dahil dito, naapektuhan ang epektibong pagpapalago ng kaalaman at kasanayan ng mga estudyante sa bawat baitang.
Ayon sa ulat, napilitan din ang mga guro na magturo ng iba’t ibang subject sa halip na mag-focus sa kanilang espesyalisasyon, lalo na sa Science at Mathematics, na nagresulta sa mahinang pagkatuto ng mga fundamental na konsepto. Ernie Reyes