DAVAO Del Norte – Pinalawak ng Malacañang ang paghatid ng mga pangunahing serbisyo sa Davao del Norte nitong Huwebes sa pamamagitan ng pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Local Government Support Fund Rice Assistance at Socio-Civic Projects Fund bilang bahagi ng layunin nitong mailapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga komunidad at matiyak na walang Pilipinong maiiwan.
Bilang kinatawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinabi ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo na patuloy na isinusulong ng pambansang pamahalaan ang mga programang direktang nakatutulong sa karaniwang mamamayan, alinsunod sa direktiba ng Pangulo na dalhin ang serbisyo ng gobyerno sa mga tao sa halip na hintaying sila pa ang lumapit.
“Dalhin ninyo ang serbisyo ng gobyerno sa tao. Huwag hintayin na ang tao pa ang lumapit sa gobyerno,” sabi ni Lagdameo na sinisipi ang direktiba ng Pangulo.
Ayon kay Lagdameo, bahagi ang pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng LGSF at SCPF sa mas malawak na programa ng administrasyon upang masuportahan ang mga pamilya at lokal na komunidad sa iba’t ibang panig ng bansa.
Binigyang-diin niya na hindi lamang sa Davao del Norte ipinatutupad ang inisyatibong ito kundi maging sa iba pang lalawigan, bilang pagsunod sa direktiba ng Pangulo na “walang Pilipinong dapat maiwan.”
Sinabi ni Lagdameo na paulit-ulit na ipinauunawa ng Pangulo na ang tunay na sukatan ng tagumpay ng mga programa ng pamahalaan ay ang positibong epekto nito sa buhay ng mga ordinaryong Pilipino, at hindi kung paano ito nakikita sa mga ulat o dokumento.
Layunin ng rice assistance na makatulong sa pagpapagaan ng gastusin ng mga pamilya sa pagkain habang inaasahang magpapalakas naman sa kabuhayan at mga serbisyong pampubliko sa antas ng komunidad ang suportang ipinagkakaloob sa mga lokal na pamahalaan.
Tiniyak ni Lagdameo sa mga benepisyaryo na patuloy pang palalawakin ng administrasyon ang mga programa ng pamahalaan sa mga komunidad na higit na nangangailangan bilang bahagi ng pagsusulong ng layunin ng “Bagong Pilipinas.”
Dumalo sa programa sina Governor Edwin Jubahib, Vice Governor Clarice Jubahib, Representatives JM Lagdameo at Oyo Uy, Mindanao Development Authority Chairperson at Secretary Leo Tereso Magno, mga lokal na opisyal, at mga benepisyaryo mula sa iba’t ibang bahagi ng Davao del Norte. RNT