MANILA, Philippines – Naghain si Sen. Francis “Chiz” Escudero ng panukalang batas na magpapahaba sa termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials mula apat na taon tungo sa limang taon.
Kung maipapasa, ililipat ang susunod na Barangay at SK Elections mula Nobyembre 2026 patungong Nobyembre 2028, at isasagawa na ito tuwing limang taon.
Ayon kay Escudero, layunin ng panukala na mapalakas ang katatagan at tuloy-tuloy na pamamahala sa antas ng barangay, mabigyan ng sapat na panahon ang mga proyekto sa komunidad, at mabawasan ang pagkaabala dulot ng madalas na halalan.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2387, madaragdagan ng dalawang taon ang kasalukuyang termino ng mga nakaupong barangay at SK officials, at ang dagdag na panahong ito ay ituturing na bahagi ng kanilang natapos na termino.
Nakasaad din sa panukala na ang mga barangay official na kasalukuyang nasa ikatlong sunod na termino sa parehong posisyon ay hindi na maaaring tumakbo muli sa parehong puwesto sa halalan sa Nobyembre 2028.
Mananatili ang umiiral na limitasyon sa termino: hanggang tatlong magkakasunod na termino para sa barangay officials at isang termino lamang para sa SK officials. RNT/MDS