Manila, Philipppines – Kinikilala ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang isyu tungkol sa mga pelikula at palabas sa telebisyon na may marahas na tema, at ang maaaring epekto nito sa mga kilos, pananaw at ugali ng mga kabataan.
Ayon sa Presidential Decree No. 1986, ang mandato ng MTRCB ay magbigay ng age-appropriate classification sa mga sine at programang pang-telebisyon habang sinusuportahan ang pagyabong ng industriya.
Itinuturing ng Ahensiya na tungkulin ng pamahalaan, mga magulang, guro, mamamahayag, digital influencers, at stakeholders mula sa film at TV industry ang proteksiyunan ang mga bata mula sa mapanganib na content.
Ito ang dahilan kaya inilunsad ng MTRCB ang flagship Responsableng Panonood Program upang maabot ang mga magulang, guro at lokal na opisyal sa grassroots level at tulungan sila na gabayan ang media use ng mga bata gamit ang PROTECT Framework.
Aktibong nakikipagtulungan ang MTRCB sa mga stakeholder sa movie at TV industry upang masiguro na ang pagpapahalagang Pilipino ay iginagalang sa mga pelikula, TV programs, at publicity materials, habang isinusulong ang authentic, responsible self-regulation.
Naniniwala ang Ahensiya na ang pagbabawal sa mga sine at TV show na may marahas na tema ay maaaring paglabag sa karapatan ng mga Filipino creatives sa kalayaan sa pagpapahayag at paglikha, na itinakda sa ilalim ng Saligang Batas.
Nananawagan ang MTRCB na maging aktibo ang mga magulang at guro sa pag-gabay sa mga bata habang nanonood sila ng TV shows at sine, o di kaya nanonood ng content sa social media platforms.
Ito ay para maintindihang mabuti ng mga bata ang konteksto ng kanilang pinapanood, habang nagtuturo ng tamang asal at pagpapahalaga ang kanilang mga magulang.
Naniniwala ang MTRCB sa tamang balanse ng kalayaan sa pagpapahayag at paglikha at sa indibidwal na karapatan ng mga Pilipino, habang pinoprotektahan ang mga bata mula sa marahas na content. JP Ignacio