MANILA, Philippines – PARA sa Malakanyang, hindi dapat nakikipag-debate ang ilang senator-judges sa mga testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na dapat ay ‘clarificatory questions’ lamang ang ibinabato ng mga ito sa mga testigo.
“Hindi po sila dapat nakikipag-debate ng witness. Ang mandato nila ay kunin ang katotohanan para sa taumbayan. Hindi walisin,” ani Castro.
“Ang judge ay nagtatanong for clarification… hindi po sila para mag-cross examine ng witness,” aniya pa rin.
Hindi naman binanggit ni Castro ang pangalan ng senator-judge na kanyang pinatutungkulan subalit sinabi na kapansin-pansin na pilit na iginigiit ng miyembro ng Senate impeachment court na tanging ang special disbursing officer (SDO) ang dapat lamang na managot para sa anumang posibleng maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP). Malinaw na ipinapakita ng senator-judge ang kanyang pagiging bias.
Kapansin-pansin din aniya na binabalewala ng mambabatas, sa ilalim ng batas, ang pinuno ng anumang ahensiya ay responsable para sa expenditures ng kanilang tanggapan.
“Makikita natin sa hearing na mayroon nang sariling batas o proseso… Ang proseso ay nililihis, iniiba ang interpretasyon,” ang winika ni Castro. (Kris Jose)