MANILA, Philippines – Patay ang isang dalawang taong gulang na batang lalaki matapos umanong suntukin at itulak ng kaniyang amain sa Barangay Catmon, Naval, Biliran noong Agosto 1, ayon sa pulisya.
Natagpuang walang malay ang bata malapit sa kanilang bahay at isinugod sa Biliran Provincial Hospital, ngunit idineklarang dead on arrival. Nagtamo siya ng mga pinsala sa katawan at matinding pinsala sa ulo.
Sa imbestigasyon ng Naval Municipal Police Station at Biliran Police Provincial Office, dalawang beses umanong sinuntok ng 27-anyos na suspek ang bata bago ito itinulak, dahilan upang matumba at tumama ang ulo sa bato.
Ayon sa pulisya, nagalit ang suspek dahil sa walang tigil na pag-iyak ng bata.
Nasaksihan umano ang insidente ng apat na taong gulang na kapatid ng biktima at iba pang testigo, na tumulong sa pagtukoy sa suspek. Wala sa bahay ang ina ng bata nang mangyari ang pananakit.
Agad na inaresto ang suspek at nahaharap sa kasong murder. Mary Anne Sapico