MANILA, Philippines – Hiniling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso na pansamantalang suspendihin ang pagpapatupad ng Republic Act No. 12001 o Real Property Valuation and Assessment Reform Act upang maiwasan ang dagdag na gastos sa ari-arian ng mga negosyo at matiyak ang maayos na paglipat sa bagong valuation system.
Inihain ni Marcos ang panukala sa Legislative-Executive Development Advisory Council meeting sa Malacañang noong Agosto 6, 2026, kung saan inilatag niya ang mga priority measure ng administrasyon.
“Nagpanukala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa dalawang kapulungan sa LEDAC meeting nitong August 6, 2026 ng pansamantalang pagsuspinde ng pagpapatupad ng Real Property Valuation and Assessment Reform Act o Republic Act No. 12001 upang maiwasan ang karagdagang mga gastos sa ari-arian para sa mga negosyo, suportahan ang mga pamumuhunan, at tiyakin ang isang dahan-dahan at makatwirang transisyon patungo sa bagong valuation system,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Nauna na ring nanawagan ang Pangulo sa kaniyang State of the Nation Address na pansamantalang suspendihin ang batas.
Nilagdaan ni Marcos ang RPVARA noong 2024 upang gawing makabago at pare-pareho ang sistema ng pagtataya sa halaga ng mga ari-arian alinsunod sa pandaigdigang pamantayan.
Sa ilalim ng batas, gagamiting pangunahing batayan ang prevailing market value sa pagtukoy ng halaga ng ari-arian para sa real property tax assessment.
Nakatakdang ganap na ipatupad ang batas pagsapit ng 2028. Kris Jose