Home NATIONWIDE Oktubre 27 itinakda ng Manila North Cemetery na huling araw ng paglilinis...

Oktubre 27 itinakda ng Manila North Cemetery na huling araw ng paglilinis ng puntod

2
0

MANILA, Philippines – Inilabas ng Manila North Cemetery ang schedule nito para sa All Saints’ Day (Undas) season ngayong taon, kasama ang mga itinakdang petsa para sa paglilinis ng mga puntod at paglilibing.

Naglabas din ito ng mga paalala para sa publiko na bibisita sa sementeryo sa mga araw na iyon.

Ang huling araw para sa paglilinis, pagkukumpuni, at pagpipintura ng mga puntod ay sa Martes, Oktubre 27.

Para naman sa mga libing, ang huling araw ng paglilibing ay sa Miyerkules, Oktubre 28.

Simula Huwebes, Oktubre 29, hanggang Lunes, Nobyembre 2, bukas ang Manila North Cemetery sa publiko mula alas-5 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi.

Walang sasakyang papayagang makapasok sa loob ng sementeryo mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2.

Samantala, pinayuhan ng pamunuan ng Manila North Cemetery ang publiko na huwag magdala ng mga sumusunod na gamit kapag bibisita dahil hindi ito papayagan sa loob ng sementeryo:

-baril
-matutulis na bagay
-inuming may alkohol
-alagang hayop
-gitara
-malakas na sound system
-mga bagay na madaling magliyab tulad ng alcohol at thinner
-mga kagamitan sa pagsusugal

Nanawagan si Manila North Cemetery Director Daniel C. Tan sa publiko na sundin ang kanilang mga alituntunin upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa panahon ng Undas.

Mahigit isang milyong bisita ang pumunta sa Manila North Cemetery noong Nobyembre 1 noong nakaraang taon.

Bilang bahagi pa rin ng paghahanda para sa Undas 2026, nagsagawa ng flushing operations ang Department of Environment and Public Services (DEPS) sa loob ng sementeryo nitong Linggo, Oktubre 11.

Layunin ng aktibidad na matiyak ang kalinisan sa loob ng sementeryo.

Ang Undas ay karaniwang tawag sa All Saints’ Day sa Pilipinas. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here