Home NATIONWIDE VP Sara: Malaya si Torre na tumakbo bilang Davao City mayor

VP Sara: Malaya si Torre na tumakbo bilang Davao City mayor

1
0

MANILA, Philippines – Malayang tumakbo bilang alkalde ng Davao City si Metropolitan Manila Development Authority General Manager Nicolas Torre III, ayon kay Vice President Sara Duterte.

“Everyone, of course ‘no, in a democratic country, lahat ay allowed at welcome na mag-file ng kanilang certificate of candidacy at tumakbo sa election,” pahayag ni Duterte nitong Huwebes nang tanungin tungkol sa mga ulat na posibleng kumandidato si Torre sa balwarte ng pamilya Duterte.

Nauna nang kumalat sa social media ang larawan ng tarpaulin na may mukha ni Torre at nakasulat na, “Ingat sa daan!”

Si Torre, dating chief ng Philippine National Police, ay binatikos ng kampo at mga tagasuporta ng mga Duterte dahil sa kaniyang papel sa pag-aresto kay dating President Rodrigo Duterte sa bisa ng warrant mula sa International Criminal Court.

Nagpasalamat din ang bise presidente sa kaniyang mga tagasuporta matapos manguna sa mga survey ng mga posibleng kandidato sa 2028 presidential elections.

“Sa akin, sa lahat ng survey sinula noong 2022 ay lagi ang aking pagpapasalamat sa taong bayan dahil patuloy ang kanilang pagtitiwala at suporta sa akin, sa aking mga kasamahan at sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo kahit na medyo hirap ‘yung aming organization dahil sa politika, sa paninira, at sa pagpapahirap sa amin para gawin namin ‘yung trabaho namin,” ani Duterte.

“Kaya it’s always a message of gratitude every time a survey comes out whether or not number one ako o hindi,” dagdag niya.

Noong Pebrero, inanunsyo ni Duterte ang plano niyang tumakbo bilang pangulo sa 2028 national elections. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here