MANILA, Philippines — Binawi ni former Senator Antonio Trillanes IV ang mga kasong isinampa niya laban sa apat sa 18 lalaking nagpakilalang dating bodyguards ni former Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co matapos bawiin ng mga ito ang kanilang mga naunang alegasyon.
“Kaugnay sa report ng GMA news ng pag-recant ng apat na ex-soldiers ng kanilang mga naunang affidavits at allegations laban sakin, sa ICC (International Criminal Court) at sa iba pang mga personalidad, sinabihan ko na ang aking abogado na i-atras na ang mga kaso na isinampa ko laban sa kanilang apat,” pahayag ni Trillanes sa Facebook nitong Biyernes.
“Bilang dating sundalo, nagsisimpatya ako sa pinagdadaanan nila na dahil sa kawalan ng kabuhayan ay pinagsamantalahan sila ng mga taong may madilim na layuning political,” dagdag niya.
Si Trillanes, isang former Philippine Navy officer, ay naunang inakusahan ng sinasabing dating security personnel ni Co na nanuhol umano sa mga imbestigador ng International Criminal Court.
Umaasa rin si Trillanes na “learned their lesson from the incident and that the other ex-soldiers will also be enlightened.”
Samantala, sinabi ng Department of Justice na nasa hurisdiksyon na ng mga korte ang mga kaso.
“Any matter relating to the proceedings, whether substantive or procedural, is now for the courts to determine. We therefore cannot comment further,” ayon sa DOJ.
Noong Pebrero 2026, lumantad ang 18 lalaking nagpakilalang dating security personnel ni Co, kabilang ang ilang former Marines, at nagsumite ng mga affidavit na nagsasabing naghatid umano sila ng mga maleta ng pera kina President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Leyte Representative Martin Romualdez, Co at iba pang personalidad.
Iniharap ni Lawyer Levi Baligod ang kanilang mga affidavit. RNT