MANILA, Philippines – HIHINGI ang Department of Information and Communications Technology ng P18 bilyong pondo sa ilalim ng panukalang P7.2-trilyong national budget para sa 2027 upang palawakin ang digital government services at connectivity programs ng bansa.
“We’re ready for the congressional deliberations, and we don’t expect any trouble getting this budget executed next year,” ayon kay DICT Secretary Henry Aguda.
Sa hinihinging pondo, P2.7 bilyon ang ilalaan sa e-government program, kabilang ang cloud hosting, cybersecurity at system integration para sa eGovPH application.
Sa pamamagitan ng one-stop platform, maaaring mag-imbak ang mga Filipino ng digital IDs, mag-aplay ng trabaho at humiling ng medical assistance.
Nakapagtala na umano ang eGovPH app ng mahigit 61 milyong downloads at higit 900 milyong transaksyon, habang pinagsama nito sa isang platform ang mahigit 1,300 government services.
Kapag inaprubahan ng Kongreso ang pondo, sisimulan din ng DICT ang paglulunsad ng eGovAI, isang artificial intelligence layer para sa automated document processing, kasabay ng pagpapalawak sa cloud infrastructure ng gobyerno.
“We’re building the infrastructure behind the administration’s digital push,” ani Aguda.
Isinusulong din ng ahensya ang National Digital Connectivity Plan, isang roadmap na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naglalayong makamit ang universal internet access pagsapit ng 2028 at mapababa nang hanggang 80 porsiyento ang halaga ng internet sa pamamagitan ng pagpapalawak ng fiber, satellite at submarine cable networks.
“We’re aiming to get every public school online ahead of the 2028 deadline. We’re already past 99 percent coverage, and our engineers are working with telco partners and local communities to reach the last remote sites by satellite,” pahayag ni Aguda.
“Free, reliable internet for public schools, barangay halls, and health centers in isolated communities remains non-negotiable for us,” dagdag niya.
Ayon pa kay Aguda, katuwang ng naturang plano ang Broadband ng Masa at Konektadong Pinoy laws na naglalayong buksan ang telecommunications sector sa mas maraming kompetisyon. RNT