Home METRO Libreng gabay para sa rooftop solar installation, alok ng QC LGU

Libreng gabay para sa rooftop solar installation, alok ng QC LGU

1
0

QUEZON CITY — Nag-aalok ang Quezon City government ng libreng teknikal na gabay sa mga residente at may-ari ng negosyo na planong magpakabit ng rooftop solar panels sa pamamagitan ng QC Helpline 122.

Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, ang mga lisensyadong electrical engineer ng QC Engineering Department ang gagabay sa mga tumatawag hinggil sa tamang laki ng solar system, technical requirements, accredited installers at pagkuha ng permit.

“Ang Lungsod ng Quezon ay may napakalaking potensyal na gamitin ang solar energy, ngunit maraming mamamayan at may-ari ng negosyo ng QC ang hindi sigurado kung saan magsisimula. Sa pamamagitan ng Helpline 122, ang aming mga lisensyadong electrical engineer ay handang gabayan sila sa proseso, sagutin ang kanilang mga teknikal na tanong, at tulungan silang maiwasan ang mga mapanlinlang o walang lisensyang installer,” ani Belmonte.

“Sa pamamagitan ng paggawa ng solar na mas madaling ma-access ngayon, namumuhunan din kami sa isang mas malinis, mas matatag, at mas napapanatiling Lungsod ng Quezon para sa mga susunod na henerasyon,” dagdag niya.

Sa isang tawag sa 122, maaaring humingi ng payo ang property owners hinggil sa pagpili ng angkop na solar system batay sa konsumo sa kuryente, pagsunod sa safety at technical requirements, pagtukoy sa Department of Energy-accredited solar service providers, at pagkuha ng permit mula sa Department of the Building Official ng lungsod.

Dagdag ang inisyatiba sa renewable energy program ng QC na nakapagkabit na ng solar panels sa pitong gusali ng City Hall, tatlong city-run hospitals at 25 pampublikong paaralan.

Mula Enero hanggang Hunyo 2026, nakapagtala ang mga naturang solar installation ng mahigit PHP8 milyong matitipid sa kuryente, na nagbigay-daan sa lungsod na maglaan ng mas maraming pondo sa mahahalagang serbisyo habang binabawasan ang carbon footprint nito.

Batay sa Solar Penetration and Potential Market Demand in Buildings Dashboard ng lungsod, tinatayang umabot sa 5,787 gigawatt-hours ang konsumo ng Quezon City sa kuryente noong 2025.

“Kung lalagyan ng mga solar panel ang lahat ng angkop na bubong, makalilikha ang mga ito ng tinatayang 16,098.28 GWh ng kuryente — halos tatlong beses ng inaasahang taunang pangangailangan ng lungsod,” ayon sa pamahalaang lungsod.

Tinataya rin sa isang pag-aaral ng Thinking Machines Lab na kinomisyon ng C40 Cities na maaaring umabot sa PHP40.65 bilyon ang matitipid ng Quezon City pagsapit ng 2035 kung malawakang gagamit ng rooftop solar panels.

Hinikayat ni Belmonte ang mga residente at negosyante na tumawag muna sa QC Helpline 122 bago magpakabit ng solar panels upang makakuha ng maaasahang teknikal na gabay at malinawan sa installation at permit requirements. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here