MANILA, Philippines — Itinaas ng PAGASA nitong Biyernes ng hapon ang orange rainfall warning sa anim na lugar sa Central at Southern Luzon dahil sa pinalakas na southwest monsoon o “habagat” at Typhoon Dolphin.
Sa 2 p.m. heavy rainfall warning ng PAGASA, isinailalim sa orange warning ang Bataan, Zambales at Pampanga, gayundin ang ilang bahagi ng Bulacan, Cavite at Batangas.
Inaasahang makapagtatala ang mga lugar na nasa orange warning ng 15 hanggang 30 millimeters na ulan sa loob ng tatlong oras, kung saan “threatening” ang posibilidad ng pagbaha.
Samantala, nakataas naman ang yellow rainfall warning sa Metro Manila, Tarlac, Nueva Ecija, Rizal, at ilang bahagi ng Bulacan, Cavite, Laguna, Quezon at Batangas.
Sa ilalim ng yellow warning, posibleng bumuhos ang 7.5 hanggang 15 millimeters na ulan sa loob ng tatlong oras at maaaring magkaroon ng pagbaha sa mga flood-prone area.
Inaasahan din ang mahina hanggang katamtamang pag-ulan na may paminsan-minsang malalakas na buhos sa ilang bahagi ng Laguna sa susunod na tatlong oras.
Nararanasan na rin ang kahalintulad na kondisyon sa ilang bahagi ng Quezon at maaaring magpatuloy sa loob ng tatlong oras.
Ayon sa PAGASA, tuluyan nang nawala dakong 8 a.m. ang low pressure area na dating Tropical Depression Maymay, habang nakalabas na rin sa monitoring domain ng ahensya ang Typhoon Dolphin. RNT