LAS PIÑAS CITY — Patay ang isang 11-anyos na batang babae matapos makuryente sa exposed wire ng clip fan sa loob ng kanilang bahay sa Las Piñas City.
Base sa imbestigasyon, sinabi ng ama ng biktima na si Noel Advincula, naputol ang dulo ng wire ng electric fan at dumikit umano ito sa metal na double-deck bed ng pamilya habang basa ang kanyang anak at ang sahig matapos itong mag-igib ng tubig.
“Electric fan nga raw po ang sanhi doon sa pagkakuryente kasi ‘yung dulo niyan naputol po eh, naputol bali ang dulo,” ani Advincula.
“Ngayon, ‘yung kaputol non dumikit sa double deck namin… edi nakadikit itong anak ko naman kasi basa tapos basa na rin ‘yung flooring kasi nga nag-igib siya wala kasi kaming tubig naputulan kami gawa ng sa hirap nga namin,” dagdag niya.
Nakuryente rin ang lola at nakababatang kapatid ng biktima nang tangkain nilang hawakan ang bata.
“Sumigaw daw, aray daw. Nakita ng nanay ko nanginginig na, sabi nung nanay ko, ‘Kulot ‘wag kang magbibiro.’ Ang ginawa ng nanay ko, hinawakan siya akala niya nagbibiro lang… E nakuryente na rin siya tapos humawak din yung si baby, nakuryente na rin ‘yung bunso ko, binitawan,” ani Advincula.
Nasa pasada ng tricycle si Advincula nang mangyari ang insidente at sa ospital na niya nakita ang anak, kung saan idineklara itong patay.
“’Nak, laban ka naman na, huminga ka, sige na, gumalaw ka kahit isa lang.’ Ayaw talaga,” aniya.
“Wala ka pong masabi sa kaniya. Malambing po siya. ‘Yung pagkadarating siya sa terminal… ’pag nakita ako, yayakap na ‘yan sa akin tapos iki-kiss niya ko,” dagdag niya.
Problema rin ngayon ng pamilya ang gastusin sa pagpapalibing sa bata.
Ayon kay Barangay Talon Uno, Las Piñas Captain Irene Gallardo, hindi agad maibigay ng Las Piñas ang libreng burial assistance dahil nasa Bacoor, Cavite ang funeral parlor na humahawak sa labi ng biktima.
Hindi rin umano makapagbigay ng libreng libing ang Bacoor dahil nakarehistro sa Las Piñas ang address ng ama.
“Botante po siya ng Las Piñas so ini-expect po namin na siya ay makaka-avail ng libreng libing pero ang naging conflict, according to Kuya Noel, na hindi nga raw po ito sa punerarya ng Las Piñas kundi sa Bacoor,” ani Gallardo.
“So paglapit ng Bacoor, ang sabi naman ng Barangay San Nicolas… ang address naman niya ay Las Piñas kaya hindi rin daw po ma-avail ang libreng libing [doon],” dagdag niya.
Sinabi ni Gallardo na umapela na siya sa local governments ng Las Piñas at Bacoor upang matulungan ang pamilya.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na regular na suriin ang mga electrical appliance at sirang wire sa bahay, lalo na ang mga ginagamit ng mga bata. RNT