BULACAN — Isang sunog na bangkay ng lalaki ang natagpuan ng mga awtoridad sa nasunog na kotse sa bayan ng Guiguinto noong gabi ng Martes, Agosto 4.
Sa ulat ni PLTCOL Francis Magadia, Acting Chief of Police ng Guiguinto Police Station, naganap ang insidente bandang 11:15 ng gabi sa Purok 2, Brgy. Daungan.
Ayon sa ulat, nadiskubre ng mga awtoridad ang sunog na katawan ng biktima sa loob ng trunk ng Mitsubishi Mirage nang maapula ito ng mga bumbero.
Base sa imbestigasyon, CCTV backtracking, at coordinated police operations, natunton nila ang pinagmulan ng sasakyan at ang pinangyarihan ng krimen.
Dahil sa ikinasang joint hot pursuit operations, naaresto ang unang suspek bandang 8:30 ng umaga nitong Agosto 5 sa San Francisco, kasabay ng umano’y pagkakakumpiska ng murder weapon.
Kasunod nito, bandang 9:54 ng umaga ng araw na iyon, nadampot din sa operasyon ang pangalawang suspek sa San Vicente Fish Market sa Brgy. San Vicente, Malolos City.
Nasamsam sa operasyon na ito ang caliber .45 pistol, mga bala, at ang hinihinalang getaway vehicle na silver Suzuki APV.
Kaugnay nito, ang pangatlong indibiduwal ay naaresto dahil umano sa Obstruction of Justice.
Lumabas sa imbestigasyon at autopsy na isinagawa ng forensic authorities na umano’y pinatay muna ang biktima bago sunugin sa loob ng kotse.
Napag-alaman din na may tatlo pang suspek na kasalukuyang tinutugis sa patuloy na manhunt operation ng pulisya.
Sa kabuuan ng pinagsamang mga ebidensya, nakasamsam ang mga awtoridad ng bolo (itak), siyam na cotton swabs with suspected bloodstains, polo shirt na may bloodstains, assorted drug paraphernalia, caliber .45 Armscor pistol na may anim na bala, 25 rounds of caliber .45 ammunition, 25 rounds of 9mm ammunition, at Suzuki APV na pinaniniwalaang ginamit sa krimen na nakatakdang isalang sa forensic examination.
Sinasabing posibleng selos ang dahilan kung bakit pinatay ang kalunos-lunos na biktima na si alyas “Fitz,” ayon sa mga ulat at nag-viral na post sa social media.
Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso at nasa kustodiya ng pulisya.