BANGKOK, Thailand — Apat katao ang nasawi habang 15 estudyante ang nasugatan sa pamamaril sa isang high school sa Nonthaburi province, hilaga ng Bangkok, nitong Biyernes, ayon sa mga awtoridad ng Thailand.
Sinabi ni Deputy Interior Minister Polapee Suwunchwee sa local broadcaster na Thai PBS na dalawang estudyante at dalawang guro ang nasawi sa insidente.
Ayon sa opisyal, hindi tinamaan ng bala ang 15 nasugatang estudyante kundi nagtamo ng mga pinsala habang nagtatangkang tumakas.
Kinilala ang suspek bilang isang teenager na kalaunan ay naiulat ding patay, ayon sa local media na sumipi sa mga awtoridad.
Magkakaiba naman ang mga ulat hinggil sa pagkamatay ng suspek. May mga ulat na binaril siya ng mga pulis, habang sinabi naman ng iba na namatay siya sa pagpapakamatay. RNT