Home NATIONWIDE Baligod sinagot mahigit P1M piyansa ng 14 ‘Maleta Boys’

Baligod sinagot mahigit P1M piyansa ng 14 ‘Maleta Boys’

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Atty. Levito Baligod nitong Biyernes na sila ng kanyang asawa ang sumagot sa mahigit P1 milyong piyansa ng 14 indibidwal na nagpakilalang dating bagmen ni ex-congressman at fugitive Zaldy Co.

Nahaharap ang 14 sa mga kasong cyber libel at perjury sa iba’t ibang korte sa Metro Manila.

Sa isang chance interview sa Las Piñas City Regional Trial Court, sinabi ni Baligod na mahigit P1 milyon ang kanilang inilabas para lamang sa piyansa sa apat na bilang ng perjury na isinampa laban sa bawat isa sa 14 indibidwal sa Las Piñas.

Nagpiyansa rin ang mga ito sa mga korte sa San Juan City, Caloocan City, at Muntinlupa City kaugnay ng mga kasong cyber libel.

“You want to know where it came from? From my wife and my personal resources. Ay, you do not underestimate our love for this country,” pahayag ni Baligod sa mga reporter.

Ang grupo, na tinaguriang “Maleta Boys,” ay orihinal na binubuo ng 18 miyembro na nagsabing naghatid sila ng mga maletang naglalaman ng daan-daang milyong piso na umano’y kickback money sa matataas na opisyal ng gobyerno.

Apat sa kanila ang kalauna’y binawi ang kanilang testimonya at sinabing tinuruan umano sila ng kanilang legal counsel kung ano ang sasabihin kapalit ng dalawang taong financial assistance para sa kanilang seguridad at kaligtasan.

Tinawag ni Baligod na “exaggeration” ang alegasyon at sinabing ang inalok lamang niyang tulong ay para sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya, kabilang ang gastusing medikal.

“I consider them my responsibility because we were together when we agreed to bring out to the poor kung ano ‘yong nalalaman nila tungkol dito sa corruption,” ani Baligod. “Pilipino ako. Mahal ko ang ating bayan.”

Samantala, iginiit ng mga natitirang miyembro ng grupo na inalok umano ng P20 milyon hanggang P25 milyon ang apat upang bawiin ang kanilang mga pahayag.

“Sana mapag-isipan niyong mabuti ‘yong sinasabi niyo. Nagpadala kayo sa pera,” pahayag ni George Villalon ng “Maleta Boys.” RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here