MANILA, Philippines – Inakusahan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Biyernes ang kampo ni Leyte Representative at dating Speaker Martin Romualdez na nasa likod umano ng pagbawi ng testimonya ng apat na dating bodyguard na nag-uugnay sa mambabatas sa umano’y anomalya sa flood control projects.
“It is former Speaker Romualdez. Siyempre, siyempre, sino pa ba ang makikinabang pag nagrecant ‘yan?” pahayag ni Remulla sa isang press conference.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman si Romualdez sa mga reklamong plunder, graft, at direct bribery kaugnay ng umano’y mga anomalya sa flood control projects.
Noong Pebrero 2026, lumantad ang 18 lalaki na nagpakilalang dating security personnel ni former Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, kabilang ang ilang dating Marines, at gumawa ng mga affidavit na nagsasabing naghatid sila ng mga maleta ng pera kina President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Romualdez, Co, at iba pang personalidad.
Walo sa 18 dating bodyguard ang nagsumite ng affidavit sa Office of the Ombudsman. Tatlo sa kanila ang kalauna’y binawi ang kanilang mga pahayag, habang ang isa pang nag-recant ay hindi kabilang sa mga naghain ng affidavit sa Ombudsman.
Kinuwestiyon din ni Remulla ang kredibilidad ni Atty. Levi Baligod, abogado ng mga dating bodyguard na gumawa ng affidavit kaugnay ng reklamo laban kay Romualdez.
“Baligod is a very colorful character. That’s what he is. I mean, from the PDAF days, you do your research on what Mr. Baligod did during the PDAF cases of Napoles,” ani Remulla.
Tinutukoy niya ang P10-bilyong Priority Development Assistance Fund scam kung saan umano’y inilagak sa mga pekeng non-government organization na konektado kay businesswoman Janet Napoles ang discretionary funds ng mga mambabatas. Isa si Baligod noon sa mga abogado ng state witness na si Benhur Luy.
“I’m not the best source for what kind of person he is. I think other people can tell you,” dagdag ni Remulla.
Nang tanungin kung itinuturing pa rin niyang mapagkakatiwalaan si Baligod matapos ang pagbawi ng mga testimonya, sagot ni Remulla, “Was he ever?” RNT