Home NATIONWIDE Target koleksyon ng BIR mula Enero gang Hulyo, mas mataas ng 5.16%

Target koleksyon ng BIR mula Enero gang Hulyo, mas mataas ng 5.16%

3
0

MANILA, Philippines – Nakakolekta ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng ₱1.998 trilyon mula Enero hanggang Hulyo, mas mataas ng ₱100 bilyon o 5.16% kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon at ₱9 bilyon na lampas sa target.

Ayon kay BIR Commissioner Charlito Mendoza, nasa tamang landas ang ahensya upang maabot ang buong taong target na ₱3.393 trilyon.

Kasabay nito, isinusulong ng pamahalaan ang tax relief package na magtataas ng taunang income tax exemption mula ₱250,000 tungo sa ₱350,000, at mag-aalis ng 2% minimum corporate income tax (MCIT) para sa mga kwalipikadong micro at small businesses.

Tinatayang ₱66 bilyon ang maaaring mabawas sa kita ng gobyerno dahil sa dalawang panukalang ito. Ayon kay Mendoza, mahigit 3 milyong Pilipino ang maaaring makinabang sa income tax cut, kabilang ang 1.2 milyon na magiging ganap na exempt sa income tax.

Ipinaliwanag din niya na ang pag-aalis ng MCIT ay makatutulong sa mga maliliit na negosyo na lugi, break-even, o mababa ang kita, dahil sa kasalukuyang sistema ay maaari pa rin silang mapatawan ng minimum tax kahit halos wala silang taxable profit. Tinatayang mahigit 78,000 MSMEs ang makikinabang dito.

Upang mapunan ang posibleng kakulangan sa kita ng gobyerno, pinag-aaralan ang pagtaas ng buwis sa matatamis na inumin, alak, e-cigarettes o vapes, at maging ang posibleng wealth tax para sa mga pribadong eroplano at sasakyang-dagat.

Tinalakay rin ang panukalang alisin ang VAT sa system loss charges sa electric bills, ngunit sinabi ni Mendoza na kailangan ito ng batas dahil bahagi ito ng gross receipts ng mga power distributor.

Ayon sa BIR, humigit-kumulang 98% ng koleksiyon nito ay mula sa boluntaryong pagbabayad ng buwis, kaya patuloy nitong pinapasimple at dini-digitize ang mga proseso upang maging mas madali at patas ang pagsunod ng mga nagbabayad ng buwis. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here