MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Loren Legarda na agad alisin ang temporary restraining order (TRO) na pumigil sa pagpapatupad ng ₱85 arawang minimum wage increase sa Metro Manila, at iginiit na hindi dapat magdusa ang 1.1 milyong manggagawa dahil lamang sa reklamong inihain ng dalawang kumpanya.
Ayon kay Legarda, hindi naghihintay ang gutom, renta, pamasahe, kuryente, at gamot, kaya bawat araw na hindi naipatutupad ang dagdag-sahod ay lalo lamang nagpapahirap sa mga manggagawa.
Isa si Legarda sa mga may-akda ng Senate Resolution No. 577, na humihiling na alisin ang TRO at ipatupad agad ang Wage Order No. NCR-27.
Nagsimula ang unang ₱60 dagdag-sahod noong Hulyo 25, 2026, habang ang natitirang ₱25 ay nakatakdang ipatupad sa Enero 20, 2027. Kapag ganap na naipatupad, magiging ₱780 ang minimum wage sa non-agriculture sector at ₱743 sa agriculture, service, retail, at maliliit na manufacturing establishments sa NCR.
Noong Hulyo 30, 2026, naglabas ng TRO ang Pasig RTC Branch 152 matapos maghain ng petisyon ang Readycon Trading and Construction Corporation at R-II Builders, Inc.
Binigyang-diin ni Legarda na maaaring ipagpatuloy ang paglilitis, ngunit hindi dapat ipagpaliban ang sahod ng mga manggagawang araw-araw na pumapasok at nagtatrabaho.
Nanindigan din ang Senado sa panawagang agad ipatupad ang wage order upang maibigay ang matagal nang hinihintay na dagdag-kita ng mahigit 1.1 milyong manggagawa at kanilang mga pamilya. RNT/MDS