MANILA, Philippines – Ayon sa Department of Transportation (DOTr) na pinal na ang kasunduan sa Villar Group of Companies para sa donasyon ng mga lupa na kailangan sa LRT-1 Cavite Extension project sa bahagi ng Las Piñas.
Nagkasundo ang DOTr at Villar Group sa tatlong pangunahing kondisyon: unconditional permit to enter, waiver of subrogation laban sa gobyerno, at pagkansela ng pagkakasangla sa mga lupang ido-donate.
Ayon sa DOTr, anim na lote ang ido-donate ng Villar Group at dalawa rito ay kasalukuyang nakasangla. Inaasahang matatapos ang proseso ng pagkansela ng sangla sa loob ng anim na buwan.
Sinabi ni Transportation Secretary Banoy Lopez na ang kasunduan ay malaking hakbang upang mapabilis ang proyekto at higit na makikinabang ang mga commuter.
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DOTr na agad lutasin ang mga isyu sa right-of-way ng LRT-1 Extension hanggang Cavite, at nangako ang Light Rail Transit Authority (LRTA) na matatapos ang buong proyekto bago matapos ang termino ng administrasyong Marcos sa 2028.
Kasalukuyang ginagamit na ang Phase 1 ng proyekto, habang ang Phase 2 at Phase 3 ay kinabibilangan ng mga estasyong Las Piñas, Zapote, at Niog.
Ayon sa Villar Group, posibleng malagdaan ngayong buwan ang mga kasunduan para sa donasyon ng lupa upang makapagsimula ang konstruksyon sa lalong madaling panahon sa susunod na taon. RNT/MDS