ZAMBOANGA, Philippines – Nasabat ng mga awtoridad ang humigit-kumulang ₱6.5 milyong halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo at inaresto ang dalawang lalaki sa isang maritime patrol operation sa karagatan ng Zamboanga City noong Huwebes.
Ayon sa ulat, hinarang ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company (ZCMFC) Seaborne Unit ang isang motorized boat malapit sa Layag-Layag Island sa Barangay Talon-Talon bandang 3:30 ng hapon.
Nasa bangka ang humigit-kumulang 2,182 reams ng iba’t ibang uri ng hinihinalang smuggled na sigarilyo.
Inaresto ang dalawang sakay ng bangka matapos umano silang mabigong magpakita ng mga dokumento sa pagpapadala o transportasyon ng kargamento.
Dinala ng mga awtoridad ang bangka at mga nakumpiskang sigarilyo sa 2nd ZCMFC Wharf para sa imbestigasyon at tamang disposisyon. Nakipag-ugnayan din ang pulisya sa Bureau of Customs-Port of Zamboanga at Zamboanga City Police Station 12 para sa imbentaryo at pagmamarka ng mga nakumpiskang ebidensiya.
Matapos ang operasyon, iniutos ni PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagpapaigting ng seaborne patrols at pagtutok hindi lamang sa pagsabat ng ilegal na kargamento kundi pati sa pagtukoy at pagsasampa ng kaso laban sa mga financier, organizer, at iba pang nasa likod ng smuggling operations.
Ayon kay Nartatez, ipagpapatuloy ng PNP ang intelligence-driven operations upang maputol ang buong supply chain ng smuggling. RNT/MDS