MANILA, Philippines – Sinabi ng PAGASA nitong Sabado na ang low pressure area (LPA) na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ay may mataas na tsansang maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.
Bandang 3 a.m., tinatayang nasa 2,610 kilometro silangan ng Northern Luzon ang LPA. Ayon kay PAGASA weather specialist Veronica C. Torres, mababa ang posibilidad na direktang makaapekto ito sa Pilipinas at mababa rin ang tsansang pumasok ito sa PAR.
Patuloy ding binabantayan ng PAGASA ang Typhoon Dolphin, na nasa 810 kilometro hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon bandang 3 a.m. Taglay nito ang 155 km/h na lakas ng hangin at 190 km/h na bugso, at kumikilos ito pa-timog-kanluran sa bilis na 15 km/h.
Ayon sa PAGASA, mababa rin ang posibilidad na pumasok ang Dolphin sa PAR o direktang makaapekto sa alinmang bahagi ng bansa.
Gayunman, pinapalakas ng Dolphin ang Southwest Monsoon o Habagat, na patuloy na nagdudulot ng pag-ulan sa Luzon at Visayas.
Inaasahan ang monsoon rains sa Occidental Mindoro, Zambales, at Bataan, habang makakaranas ng paminsan-minsang pag-ulan ang Metro Manila, Ilocos Region, Abra, Benguet, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, Oriental Mindoro, at Antique. RNT/MDS