Home NATIONWIDE VP Sara sa ASEAN: Diwa ng bayanihan, isabuhay

VP Sara sa ASEAN: Diwa ng bayanihan, isabuhay

3
0

MANILA, Philippines – Sa pagdiriwang ng ika-59 na anibersaryo ng ASEAN, hinikayat ni Vice President Sara Duterte ang mga bansa sa Timog-Silangang Asya na dalhin ang diwa ng bayanihan sa pandaigdigang antas at hinamon ang kabataan ng ASEAN na tumulong sa paghubog ng kinabukasan ng rehiyon.

Sa kanyang ASEAN Day message na inilabas ng Office of the Vice President (OVP) noong Sabado, Agosto 8, binigyang-diin ni Duterte na mahalaga ang pagkakaisa, pagtutulungan, at iisang layunin upang makabuo ng mas matatag at matibay na komunidad sa rehiyon.

Ayon sa kanya, ang ASEAN ay tahanan ng halos 700 milyong mamamayan na may iba’t ibang kultura, wika, at pangarap, ngunit nagkakaisa sa layuning makalikha ng kinabukasang may oportunidad para sa bawat kabataan.

Bilang dating pangulo ng Southeast Asian Ministers of Education Organization (SEAMEO) Council, sinabi ni Duterte na ang pagtutulungan ng mga bansang kasapi ng ASEAN ay maihahambing sa bayanihan, kung saan sama-samang kumikilos ang komunidad upang matulungan ang kapwa.

“This is exactly how we must build our shared future. No country carries the weight alone. We lift each other up,” ani Duterte.

Hinimok din niya ang mga bansang kasapi na palakasin ang kooperasyon at suporta sa isa’t isa, at hinamon ang kabataang ASEAN na harapin ang mga hamon at maging aktibong bahagi sa pagbuo ng magkakaisang kinabukasan ng rehiyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here