MANILA, Philippines – Patuloy na makararanas ng malalakas na mga pag-ulan ang malaking bahagi ng Luzon at Visayas ngayong Linggo, Agosto 9 dahil sa Habagat.
Ayon sa PAGASA, ang Ilocos Sur, La Union, Abra, Benguet, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro ay makararanas ng monsoon rains dahil sa Habagat.
Occasional rains naman o pabugso-bugsong malalakas na pag-ulan ang mararanasan sa Ilocos Norte, Pangasinan, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Nueva Vizcaya, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Batangas, Oriental Mindoro, at Antique dahil din sa Habagat.
Ang Batanes at Babuyan Islands ay magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan dahil sa trough ng Bagyong Dolphin.
Samantala, ang Zamboanga Peninsula, nalalabing bahagi ng Luzon, nalalabing bahagi ng Visayas, Misamis Occidental, Lanao del Norte, at Lanao del Sur ay magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm dahil sa Habagat.
Habang ang nalalabing bahagi ng Mindanao ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated rainshowers or thunderstorms dahil sa Localized Thunderstorms. RNT/JGC