Home NATIONWIDE CAMANAVA LGU handa sa epekto ng Habagat sa mga nasasakupan

CAMANAVA LGU handa sa epekto ng Habagat sa mga nasasakupan

3
0

MANILA, Philippines – SINIGURO ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela na nakahanda ang mga ito sa posibleng epekto ng pananalasa ng Southwest Monsoon o Habagat.

Ayon kay Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, nakataas ang antas ng pagbabantay ng disaster response team at Alert and Monitoring Stations ng lungsod, kung saan nakatalaga na sa kani-kanilang mga istasyon ang mga emergency responder upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa anumang emergency.

Inihanda na rin nila ang mga evacuation center sa mga lugar na mababa ang lupain, mga sleeping tent at kagamitang medikal upang magbigay ng pansamantalang matutuluyan at paunang lunas sakaling kailanganin ang paglikas ng mga residente.

Nagpapatuloy din aniya ang mga operasyon at paglilinis sa buong lungsod upang alisin sa mga pangunahing sagabal at mga debris sa kalsada na maaaring magdulot ng panganib sa mga motorista at pedestrian sa gitna ng masamang panahon.

Patuloy namang nakaantabay at nagsasagawa ng 24/7 monitoring ang Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa kondisyon ng panahon, flood-prone areas, at iba pang kritikal na lugar sa Lungsod ng Malabon.

Paalala ni Malabon Mayor Jeannie Sandoval sa lahat ng Malabueño na manatiling alerto at makinig sa mga opisyal na abiso, iwasan ang pagtawid o pagdaan sa mga lugar na may mataas na tubig, siguraduhing ligtas ang mga bata, senior citizens, at persons with disabilities.

Samantala, sinabi naman ni Navotas Mayor John Rey Tiangco na sa kanyang pag-iikot sa lungsod ay wala siyang nakikitang concerning na pagbaha at passable ang mga kalsada at maayos na gumagana ang lahat ng kanilang pumping stations.

Kaya nakikiusap si Tiangco sa lahat na maging responsable sa pagtatapon ng basura at huwag munang maglabas ng basura kung wala pang collection at siguraduhing walang basurang mapupunta sa mga kanal.

Patuloy rin aniya ang kanilang monitoring dahil maaaring lumakas ang ulan at sumabay pa ang high tide.

Sa Valenzuela, pinangunahan ni Mayor Wes Gatchalian ang coordination meeting ng Local Disaster Risk Reduction and Management (LDRRM) Council para sa isinasagawang monitoring at koordinasyon ng mga emergency response units, pumping stations, at iba pang resources upang matiyak ang mabilis na pagtugon kung kinakailangan.

Nag-inspeksyon din si Mayor Wes sa mga pumping station sa lungsod at tiniyak din niya na nakaantabay ang Pamahalaang Lungsod para sa kaligtasan ng bawat Valenzuelano. Merly Duero

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here