MANILA, Philippines – Pinatawag ng Sandiganbayan Third Division si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan upang tumestigo laban kay dating Senador Bong Revilla.
Ang subpoena ay ipinadala noong Agosto 7 sa PNP General Hospital, kung saan naka-hospital arrest si Bonoan dahil sa kanyang mga sakit tulad ng diabetes, hypertension, at chronic kidney disease.
Inatasan din ng korte ang PNP Health Service na iharap si Bonoan sa Sandiganbayan.
Si Bonoan, 80, ay co-accused sa mga kasong plunder at graft laban kay Senador Jinggoy Estrada, ngunit tinanggap ng Office of the Ombudsman ang kanyang alok na maging state witness. Gayunman, hindi pa pinapayagan ng Sandiganbayan Second Division ang kahilingan na alisin siya sa mga kasong isinampa laban sa kanya.
Sa paglilitis ni Revilla noong nakaraang linggo, hiniling ng Ombudsman sa korte na ipatawag si Bonoan matapos tumestigo ang state witness na si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo.
Ayon kay Bernardo, may discretionary control si Bonoan sa higit P10 bilyong bahagi ng pondo ng DPWH para sa mga proyektong ipinapasok sa National Expenditure Program, kabilang ang mga hinihiling umano ni Revilla.
Sa naunang pagdinig para sa piyansa ni Revilla, sinabi rin ni Bernardo na nakakuha umano ang dating senador ng P1.5 bilyong halaga ng proyekto at P500 milyong kickback.
Si Revilla, na pansamantalang nakalaya matapos magpiyansa ng P1 milyon, ay patuloy na itinatanggi ang kanyang pagkakasangkot sa umano’y ghost project sa Pandi, Bulacan na nagkakahalaga ng P92.8 milyon. RNT/MDS