MANILA, Philippines – Tiklo ang 22-anyos na estudyante na wanted sa kasong Rape matapos maaresto ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Caloocan City.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili hinggil sa kinaroroonan ng akusado na residente ng Brgy., 11 ng lungsod.
Sa koordinasyon sa District Women and Children Protection Desk (DWCPD), kaagad nagkasa ang mga operatiba ng District Anti-Carnapping Unit (NPD-DACU) hanggang masukol ang akusado sa Brgy., 14 ng lungsod.
Isinilbi ng pulisya sa akusado ang arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 232, Caloocan City, para sa kasong Rape under Article 266-A, Paragraphs 1 and 2 of the Revised Penal Code na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng NPD-DACU habang hinihintay ang utos ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Caloocan City Jail.
Ayon kay BGen. Capili, ang operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga wanted na indibidwal at sa patuloy na pagsusulong ng kapayapaan, kaayusan at hustisya sa buong lugar ng CaMaNaVa. (Merly Duero)