Home METRO Pinalakas na depensa at disaster readiness ng Zamboanga Sibugay suportado ng Palasyo

Pinalakas na depensa at disaster readiness ng Zamboanga Sibugay suportado ng Palasyo

3
0

ZAMBOANGA SIBUGAY — Suportado ng Malacañang ang pagpapalakas ng territorial defense at kahandaan sa sakuna ng Zamboanga Peninsula sa pagsisimula ng KALASAG–Zamboanga Peninsula Inter-Agency Territorial Defense Operation Exercise noong Lunes, Agosto 10.

Pinangunahan ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo Jr. ang pagbubukas ng aktibidad at ipinaabot ang pasasalamat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, at mga security forces na lumahok.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mas matibay na koordinasyon ng iba’t ibang ahensya sa harap ng patuloy na nagbabagong hamon sa seguridad at sakuna.

Ayon kay Lagdameo, napapanahon ang pagsasagawa ng KALASAG habang patuloy na pinatatatag ng Zamboanga Peninsula ang kapayapaan at internal security sa rehiyon, kasabay ng paghahanda sa mas malawak na mga banta.

“KALASAG-Sibugay comes at an important point in our security efforts in the Zamboanga Peninsula. This means strengthening our territorial defense and making sure we are ready for challenges that may come not only from within but also from beyond our borders,” sabi ni Lagdameo.

Layunin ng pagsasanay na sukatin ang kahandaan ng mga institusyon ng pamahalaan sa pagtugon sa mga panlabas na banta, pagprotekta sa mga komunidad at mahahalagang imprastraktura, pagpapatuloy ng operasyon ng gobyerno sa panahon ng krisis, at pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko.

Iginiit ni Lagdameo na mahalaga ang mahigpit na koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, at security sector upang epektibong matugunan ang mga umuusbong na banta.

“No single agency or sector can answer these questions alone. This is why inter-agency coordination is at the heart of KALASAG-Sibugay,” saad niya.

Binigyang-diin din niya na ang kahandaan ay hindi lamang nakasalalay sa kakayahan ng mga security forces kung hindi pati sa tuloy-tuloy na paghahatid ng serbisyo ng gobyerno, maagap at tamang pagbibigay ng impormasyon, at pagprotekta sa mga sibilyan sa oras ng sakuna.

Matapos ang pagbubukas ng aktibidad, nakipagpulong si Lagdameo sa mga opisyal ng seguridad kabilang si Zamboanga Sibugay Governor Ann Hofer, at iba pang lokal na opisyal sa isang Security Executive Briefing at luncheon.

Tinalakay sa pulong ang kasalukuyang sitwasyon ng seguridad sa rehiyon at mga hakbang upang higit pang mapalakas ang koordinasyon ng pambansa at lokal na pamahalaan.

Bahagi ang KALASAG–Zamboanga Peninsula Inter-Agency Territorial Defense Operation Exercise ng patuloy na pagsisikap ng pambansang pamahalaan na palakasin ang territorial defense, disaster preparedness, at whole-of-government coordination upang matiyak na handa ang mga komunidad at mga institusyon ng pamahalaan sa pagtugon sa mga bagong hamon sa seguridad at mga emerhensya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here