MANILA, Philippines – Inilipat sa Agosto 18 ang arraignment ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan habang hinihintay ng Sandiganbayan Second Division ang komento ng depensa sa hiling ng prosekusyon na alisin siya bilang co-accused sa graft case ni Sen. Jose “Jinggoy” Estrada kaugnay ng umano’y flood control kickback scheme.
Ayon kay Presiding Justice Geraldine Econg, tatalakayin ang oral arguments sa mosyon ng prosekusyon sa susunod na pagdinig.
Nauna nang ibinasura ng Sandiganbayan ang hiling ng prosekusyon na baguhin ang charge sheet at alisin si Bonoan bilang akusado, dahil maaari umanong maapektuhan ang karapatan ni Estrada na na-arraign na sa ilalim ng orihinal na reklamo.
Sa resolusyon noong Agosto 3, sinabi ng korte na ang mungkahing pagbabago ay maaaring magbago sa pangunahing teorya ng pananagutang kriminal at limitahan ang mga depensang maaaring gamitin ni Estrada.
Nais ng prosekusyon na alisin si Bonoan sa kaso upang maaari siyang maging state witness sa iba pang flood control cases, kabilang ang pangunahing kaso na may kaugnayan sa umano’y panloloko sa pambansang pamahalaan na kinasasangkutan ng dating House Speaker Martin Romualdez.
Ngunit iginiit ng prosekusyon na kahit alisin si Bonoan bilang akusado, hindi magbabago ang mga alegasyon laban kay Estrada, na mananatiling inakusahan na kumilos umano sa pamamagitan ni Bonoan sa nasabing kickback scheme.
Sinabi rin ng prosekusyon na ang pangamba na maaapektuhan ang depensa ni Estrada ay “speculative” at hindi batay sa anumang partikular na depensang iniharap ng senador.
Sa pagdinig, sinabi ni Presiding Justice Econg, “You keep on harping that the court delays the processes, yet your motions delay the processes.”
Tumugon ang prosekusyon na ang kanilang mosyon para sa reconsideration ay hindi layuning maantala ang paglilitis. RNT/MDS