Home METRO P173.6M terminal leave benefits, ipinamigay ni Yorme Isko sa 260 retiradong empleyado...

P173.6M terminal leave benefits, ipinamigay ni Yorme Isko sa 260 retiradong empleyado ng Maynila

1
0

MANILA, Philippines — Ipinamahagi ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso nitong Martes, Agosto 11, ang mahigit ₱173.6 milyon na terminal leave benefits sa 260 retiradong empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

Isinagawa ang pamamahagi sa Bulwagang Villegas, kung saan sinabi ng alkalde na ilan sa mga benepisyaryo ay ilang taon nang naghihintay bago matanggap ang kanilang mga benepisyo, kabilang ang mga umabot umano sa apat na taon ang paghihintay.

Ayon kay Domagoso, isa sa kanyang mga agad na tinutukan nang maupo bilang alkalde noong nakaraang taon ang pagresolba sa backlog upang maibigay sa mga retiradong kawani ang perang nararapat sa kanila matapos ang mahabang serbisyo sa lungsod.

“What would you feel kung yung pinagtrabahuhan mong siyudad ang siya pang hindi magbibigay ng bagay na dapat lamang sa iyo?” pahayag ni Domagoso, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng agarang pagbabayad sa mga benepisyo ng mga retiradong kawani.

Kabuuang ₱173,669,852 ang inilaan para sa 260 benepisyaryo na hinati batay sa haba ng kanilang serbisyo, mula sa mga naglingkod nang wala pang 10 taon hanggang sa mga umabot sa mahigit 40 taon sa pamahalaang lungsod.

Pinakamalaki ang grupong may 31 hanggang 40 taon ng serbisyo, na binubuo ng 91 retiradong empleyado na tumanggap ng pinagsamang ₱83.2 milyon, habang 24 naman na may higit 40 taon sa serbisyo ang nakatanggap ng kabuuang ₱43.4 milyon.

Sinabi ng alkalde na nasa 80 porsiyento ng mga tumanggap ng tseke ay nagretiro sa ilalim ng kanyang kasalukuyang termino, habang ang natitirang 20 porsiyento ay kabilang sa mga matagal nang naghihintay mula sa mga nakaraang administrasyon.

Binalikan din ni Domagoso ang naging problema noong kanyang unang termino hinggil sa hindi naipapasang kontribusyon sa GSIS kahit kinakaltas ang mga ito sa suweldo ng mga empleyado. Aniya, nagbayad ang lungsod ng mahigit ₱200 milyon, kabilang ang mga penalty, upang maayos ang obligasyon at matulungan ang mga retirado na makuha ang kanilang GSIS benefits.

Binigyang-diin ng alkalde na hindi dapat mapabayaan ang mga kawani na naglaan ng maraming taon sa serbisyo publiko at nangakong mas mabilis nang ipoproseso ang terminal leave benefits sa hinaharap.

“Pag nakumpleto mo yung clearances mo, kinabukasan may tseke ka na,” ani Domagoso.

Nagpasalamat naman si Domagoso sa mga retiradong kawani sa kanilang mga taon ng serbisyo at sakripisyo para sa lungsod at mga Manileño.

“Pinaghirapan at pinagpaguran niyo ’to. You deserve this,” pahayag ng alkalde. JAY REYES

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here