MANILA, Philippines – Nakipagpulong si Labor Secretary Francis N. Tolentino ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) upang talakayin ang mga hinaing ng mga manggagawa sa isang courtesy call.
Tinalakay ng TUCP ang mga isyu ng mga manggagawa tulad ng kalayaan sa pag-uugnayan o freedom of association (FOA), seguridad sa trabaho, sahod na sapat para mabuhay,certification election, maritime voluntary arbitration, collective bargaining agreements (CBA), at ang enabling law ng ILO Convention No. 190 laban sa karahasan at pang-aabuso sa mundo ng trabaho, bukod sa iba pa.
“Kung may pagkakamali kami, punahin niyo kami. I’ve been trying to be very transparent. If you have any concerns, just let me know,” ani Tolentino, at tiniyak sa TUCP ang kanyang pagiging bukas sa pagtugon sa mga hinaing ng mga manggagawa.
Napag-usapan din ang ilang ILO Conventions, kabilang ang ILO Convention No. 188, o ang _Work in Fishing Convention, at ILO Convention No. 193, o ang Decent Work in the Platform Economy, na kapwa sinuportahan ni Kalihim Tolentino.
Tinalakay din ang mga isyu ng mga manggagawa sa electric cooperative at sugar industries, kung saan nagbigay ng update ang DOLE sa mga nais na usapin.
Hiniling din ng TUCP ang suporta ng DOLE para sa pagpasa ng ilang House bills, kabilang ang mga panukalang magpapalakas sa pagbuo ng unyon, magiging makatwiran ang panghihimasok ng gobyerno sa mga labor dispute, at aalisin ang pagpapaalis at pagkakulong bilang parusa sa mga manggagawang sasali sa welga.
Inaprubahan din ni Sec. Tolentino ang kahilingan ng ASEAN Trade Union Council (ASEANTUC), kung saan si TUCP President at House Deputy Speaker Raymond Democrito C. Mendoza (TUCP Party-list)ang nagsisilbing general secretary, na makasama sa delegasyon ng Pilipinas sa nalalapit na ASEAN Senior Labour Officials’ Meeting (ASEAN SLOM).
Layunin nito na palakasin ang partisipasyon ng mga manggagawa sa mga talakayang pang-rehiyon tungkol sa paggawa.
Patuloy na binibigyang-diin ng DOLE ang kahalagahan ng tuluy-tuloy na social dialogue at tripartism sa pagtugon sa mga bagong isyu sa paggawa at para matiyak na nananatiling sentro ang mga manggagawa sa agenda ng pag-unlad ng bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden