BAGUIO CITY, Philippines – Nailigtas ang 11 alagang hayop malapit sa ground zero ng landslide sa Barangay Guisad Surong, Baguio City. Kabilang sa mga nasagip ang 10 aso at isang pusa.
Isinagawa ang rescue operation ng Baguio City Veterinary and Agriculture Office (CVAO) matapos humingi ng tulong ang mga residenteng lumikas upang mahanap ang kanilang mga naiwang alagang hayop.
Kasama ng Furvent Animal Rescue and Advocacy, CVAO veterinarians at animal impounders, at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), pinasok ng rescue team ang lugar at nailigtas ang mga na-stranded na hayop.
Dinala ang mga nasagip na alaga sa Hayop Kalinga-Guisad para sa paunang pagsusuri at pag-aalaga bago ilipat sa Baguio Pet Boarding, kung saan sila pansamantalang aalagaan habang inaayos ng kanilang mga may-ari ang epekto ng sakuna.
Isa sa mga nailigtas ay si Milo, isang kayumangging babaeng aso na nasagip 24 oras matapos matabunan ng guho. Hindi nakaligtas ang kanyang may-ari sa landslide.
Ayon sa CVAO, wala siyang panlabas na sugat ngunit matindi ang kanyang dehydration. Agad siyang binigyan ng electrolytes, tubig, at pagkain, at pansamantalang inilagay sa neutering room para sa masusing obserbasyon.
Napansin din ng mga beterinaryo na may neurological signs si Milo na maaaring indikasyon ng iba pang kondisyon, kaya patuloy siyang oobserbahan at bibigyan ng kinakailangang pangangalaga habang nagpapagaling mula sa naranasang trahedya. RNT/MDS