MANILA, Philippines – Hindi maituturing na tagumpay ang isang confidential operations ng Office of the Vice President laban sa anuman banta kay Vice President Sara Duterte kung walang sapat na katibayan na magpapatunay sa pagbibigay ng reward.
Ganito ang pakahulugan ni Commission on Audit (COA) state auditor Xylene Mae del Campo sa paulit-ulit ng tanong ng depensa sa impeachment court kung bakit kahit walang “untoward incident” na puwedeng iklasipika sa pagbabayad ng reward.
Sa kanyang tugon, sinabi ni del Campo na hindi nagbabayad si Duterte ng para sa reward kundi binayaran ang nakuhang impormasyon sa operasyon ng OVP hinggil sa aktibidad nito.
Iginiit ni del Campo sa impeachment court na hindi puwedeng tanggapin ng COA ang katuwiran ng OVP sa ilang confidential expenditures dahil nakatala ito sa pagbabayad ng rewards pero walang inarestong indibiduwal.
Ngunit, iginiit ni Defense counsel Kristine Ferrer na bakit hindi maaaring ikonsiderang proof of success ang kawalan ng banta kay Duterte kaya nagbayad mg rewards na tinablad ni del Campo sa pagsasabing “walang suspek o indibiduwal na naaresto.”
“‘Di ba po ang nakalagay sa probable threats is may NPA (New People’s Army), ang hinahanap ko po kasing proof of success doon is ‘yon nga po, kung may nahuli ba, kasi ‘yong pagkakaroon ng (no) untoward incidents pwede po kasi ‘yong mag-fall sa purchase of information, paliwanag ni del Campo.
“Dahil sa purchase of information, nagkaroon ng ‘there were no untoward incidents’ dagdag niya.
“So bawal magbayad ng reward na nagkaroon ng tip na may dito, may information, na may mga taong may gagawin na masama […] tapos napigilan natin kasi nga hindi tayo pumunta sa lugar na ‘yon, hindi tayo nag-conduct ng event sa petsa na ‘yon, based on confidential information, so walang untoward incident. So bawal ho bayaran ng reward ‘yong tao na nagbigay ng information? Tanong ni Ferrer.
Tinutulan ni prosecution counsel Lorna Kapunan ang daloy ng pagtatanong ni Ferrer dahil nanlilito ito.
Dahil dito, minabuti ni Presiding Officer and Senator-judge Francis Escudero na makialam upang pahupain ang umiinit na sagutan nina Kapunan at Ferrer kaay’t tinanong nito mismo si del Campo hinggil sa pagkakaiba ng pagbabayad ng impormashyon at pagbabayad ng rewards gamit ang confidential funds (CF).
“Kapag ka may nagbigay ng impormasyon, naghahanap ng threat, baka may threat sa Vice President, may nagbigay ng impormasyon, walang threat, ligtas ang Vice President ‘pag nagpunta siya d’yan. Hindi magka-classify na pwedeng bigyan at success? tanong ni Escudero.
“Pero wala bang reward kapag sinabing ‘wag kayong magpunta d’yan, walang problema, wala kayong kailangang alalahanin, is that information or can that also be reward? Dagdag ng senator-judge.
Ayon kay del Campo, ituturing itong bilang purchase of information, at hindi reward.
“So kailan lang magiging reward ‘yon, kapag may naturo?” tanong ulit ni Escudero.
“Opo kasi ‘yon ang proof of success […] ‘yon ang proof of success no’ng information na naibigay kasi may na-apprehend po, ‘yon po, gano’n po, giit ni del Campo.
Kaya’t tinanong ni Escudero si del Campo kung saan nito pinagbasehan ang kanyang interpretashyon sa pagkakaiba ng pagbabayad ng reward at pagbabayad ng impormasyon dahil nabanggit ang Joint Circular No. 2015-01.
Ayon kay del Campo, ganito ang pamamaraan na ginagawa ng COA sa lahat ng inaaudit na ahensiya hinggil sa confidential and intelligence funds — “which has been complied with by other branches of the government.”
“Do’n po sa ibang mga ino-audit ko ang ina-attach po talaga nila is ‘yong payment of rewards na may mga nahuli po (With the other agencies that I audited, they attached it with their payment of rewards, the individuals that they arrested),” tugon ni del Campo.
“So lahat no’ng inaudit niyo no’ng nakaraan, for consistency’s sake, merong nahuli or na-apprehend?,” tanong ni Escudero.
“May gano’n pong mga naka-attach na dokumento […] Hinahanapan po namin ng proof of success,,” tugon ni del Campo. Ernie Reyes