Home HOME BANNER STORY Lebel ng tubig sa 6 dam, tumaas sa loob ng 24 oras

Lebel ng tubig sa 6 dam, tumaas sa loob ng 24 oras

2
0

MANILA, Philippines – Tumaas ang lebel ng tubig ng anim sa siyam na dam na binabantayan ng PAGASA sa loob ng nakalipas na 24 oras.

Ayon sa PAGASA, tumaas ang tubig sa San Roque, Angat, Magat, Pantabangan, Binga, at Ipo Dams.

Ang San Roque Dam sa Pangasinan ang may pinakamalaking pagtaas na 2.83 metro, mula 260.34 m hanggang 263.17 m.

Ang Angat Dam sa Bulacan ay tumaas ng 2.12 metro, mula 174.98 m hanggang 177.10 m, habang ang Magat Dam sa Isabela ay tumaas ng 0.90 metro, mula 176.35 m hanggang 177.25 m.

Ang San Roque, Angat, at Magat Dams pa rin ang may pinakamalaking pagpapakawala ng tubig sa nakalipas na 24 oras.

Tumaas din ang lebel ng Pantabangan Dam mula 183.11 m hanggang 183.90 m, Binga Dam mula 574.26 m hanggang 574.46 m, at Ipo Dam mula 100.63 m hanggang 100.74 m.

Samantala, bumaba ang lebel ng tubig sa Caliraya Dam (286.93 m hanggang 286.57 m), La Mesa Dam (80.17 m hanggang 79.84 m), at Ambuklao Dam (751.67 m hanggang 751.66 m).

Sinabi rin ng PAGASA na ang La Mesa Dam ay bumaba na sa ilalim ng overflow level na 80.15 metro matapos lumampas dito noong Martes ng madaling araw.

Binuksan naman ang isang gate ng Ambuklao Dam (0.5 m) at tatlong gate ng Binga Dam (1.3 m) noong Miyerkules.

Ayon sa PAGASA, patuloy na magdadala ang habagat ng pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon, kabilang ang Ilocos Region, kanlurang bahagi ng Central Luzon, Metro Manila, Cavite, Laguna, Batangas, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, at Marinduque, habang inaasahang gaganda ang panahon sa iba pang bahagi ng bansa. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here