MANILA, Philippines – Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyong humihiling na utusan ang Senate Blue Ribbon Committee na isapubliko ang kanilang “draft report” sa imbestigasyon ng mga maanomalyang flood control projects.
Sa inilabas na resolusyon, sinabi ng Kataas-taasang Hukuman na wala silang nakikitang constitutional o legal na obligasyon para pilitin ang Senado na ilabas ang umano’y buo at unredacted na draft committee report.
Ayon sa petisyon, naglalaman umano ang draft ng mga rekomendasyon para sampahan ng kasong kriminal, administratibo, at pati plunder ang ilang senador at iba pang opisyal ng gobyerno*l na umano’y sangkot sa flood control anomaly.
Pero ayon sa SC, hindi saklaw ng hudikatura na diktahan ang lehislatura kung kailan at paano ilalabas ang mga dokumento nito.
Binigyang-diin ng Korte Suprema ang “separation of powers” o paghihiwalay ng kapangyarihan ng Lehislatura at Hudikatura na nakasaad sa Konstitusyon.
Ibig sabihin, nasa kamay pa rin ng Senado ang desisyon kung ilalabas, babaguhin, o kakaladkarin nila sa plenaryo ang draft report ng Blue Ribbon Committee.
Sa ngayon, nananatiling kumpidensyal ang naturang draft habang wala pang pinal na committee report na inilalabas ang Senado kaugnay ng kontrobersya sa flood control projects. Jocelyn Tabangcura-Domenden