MANILA, Philippines – Nakatakdang igisa ng Senado si Public Works Secretary Vince Hizon, ilang matataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Metro Manila at contractor ng rehabilitasyon at pagkukumpuni ng EDSA dulot ng tila sungkang lansangan pagkatapos ng ulan
Sa pahayag sinabi ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson na kailangan imbestigahan ang rehabilitation at repair ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) matapos muling lumitaw ang mga lubak sa ilang bahaging bagong gawa ng highway kasunod ng pag-ulan sanhi ng habagat.
Inaatasan ng Senate Resolution 594 ni Lacson ang Senate Committee on Public Works na magsagawa ng inquiry in aid of legislation upang rebyuhin ang mga pamantayan sa disenyo at engineering at matiyak ang pananagutan sa mga pampublikong imprastraktura.
“For nearly a week, persistent southwest monsoon (habagat) rains have drenched parts of Luzon, including Metro Manila; damaging several main thoroughfares, including recently rehabilitated sections of EDSA. The presence of fresh potholes means the newly repaired avenue will already require another round of maintenance,” aniya sa kanyang resolusyon.
“Rapid deterioration of recently rehabilitated roads, most notably EDSA, just months after completion exposes deep-seated flaws in the planning, design, construction, and management of high-cost public infrastructure projects,” dagdag niya.
Ayon kay Lacson, patuloy na naglalaan ng pondo ang national government para sa Asset Preservation Program sa ilalim ng budget ng DPWH upang mapahusay ang kalidad ng mga national road alinsunod sa international standards at matiyak ang tibay ng mga ito laban sa mga natural na kalamidad.
Dagdag niya, bagama’t regular na nagsasagawa ang DPWH ng preventive maintenance, repair, at rehabilitation sa ilang bahagi ng EDSA, wala pang isinagawang recent full rehabilitation works upang maibalik ang kalsada sa pinakamainam nitong kondisyon.
Sinuspinde ng Pangulo noong 2025 ang planong full rehabilitation ng EDSA upang matukoy ang mas mabilis na paraan ng konstruksyon, mabawasan ang pagkaabala sa trapiko, maibsan ang abala sa mga commuter, at maisama sa orihinal na plano ang mga updated na teknolohiya.
Noong Hunyo 2025, inanunsyo nina noo’y Transportation Secretary at ngayo’y DPWH, Secretary Dizon at DPWH NCR Director Loreta Malaluan na gagamit ang EDSA rehabilitation ng mga bagong teknolohiya at pamamaraan. Noong Disyembre 2025, inanunsyo ni Dizon ang pagsisimula ng EDSA rehabilitation project gamit ang advanced Japanese road technology, na inaasahang magpapabilis sa repair timelines, titiyak sa mas matibay na road surface, at magpapababa sa gastos ng proyekto mula P17 bilyon tungo sa P6 bilyon.
Noong Disyembre 24, 2025, iginawad ng DPWH ang kontrata para sa Phase 1 ng EDSA Rehabilitation Project, mula Roxas Boulevard hanggang Orense Street, sa Readycon Trading & Construction Corporation sa ilalim ng Contract ID No. 250000129. Nagkakahalaga ito ng P1,183,374,622.61 at may 180-calendar-day duration. Inilabas ang Notice to Proceed noong Enero 6, 2026.
Noong Abril 2026, inanunsyo ng DPWH na natapos ang unang phase ng EDSA rehabilitation nang dalawang buwan bago ang itinakdang iskedyul. Noong Mayo 25, iginawad ng DPWH ang second phase ng EDSA rehabilitation, mula Orense Street hanggang Monumento (Northbound at Southbound), sa Readycon, kasama ang Dumduma Construction & Trading Corp. bilang joint venture, sa ilalim ng Contract ID No. 250000132. Ang kontratang nagkakahalaga ng P4,009,473,018.88 ay nilagdaan noong Hunyo 4, at inilabas ang Notice to Proceed noong Hunyo 8, 2026.
Binanggit din ni Lacson na nang inspeksyunin ni Dizon ang mga bagong rehabilitated na bahagi ng EDSA kung saan lumitaw ang mga lubak, nasabi nito: “Dapat na-anticipate natin ito ah. Barado eh, oh?” — na ayon kay Lacson ay sumasalamin sa galit ng mga mamamayan, lalo na’t nangako ang pamahalaan ng “complete rehabilitation” ng EDSA gamit ang “modern, durable technologies to prevent a repeat of 2012, when torrential rains severely damaged major thoroughfares.”
Maging noong administrasyon ng yumaong Pangulong Benigno Aquino III, sinabi ni Lacson na itinuro na noon ni DPWH Sec. Rogelio Singson na ang tubig ang kalaban ng aspalto, at kung walang mahusay na drainage, maaari nitong palalain ang kalidad ng mga kalsada.
Samantala, sinabi ni Lacson na itinatadhana ng Section 8 ng Republic Act No. 12009 o New Government Procurement Act na walang bidding at award ng kontrata para sa Infrastructure Projects kung hindi sapat na naisagawa at naaprubahan ang detalyadong engineering investigations, surveys, at designs para sa proyekto, kabilang ang pagsasaalang-alang sa mga salik gaya ng epekto nito sa environment.
Dagdag niya, itinatadhana ng Section 90(b) ng RA 12009 ang defects liability period para sa infrastructure projects na isang taon mula sa pagkumpleto ng proyekto hanggang sa final acceptance. Sa panahong ito, kailangang isagawa ng contractor, sa sarili nitong gastos, ang pagkukumpuni sa anumang pinsala sa imprastraktura na dulot ng paggamit ng inferior-quality materials, mga depekto sa konstruksyon, o anumang paglabag sa terms ng kontrata, sa loob ng 90 araw mula nang maglabas ang HoPE ng utos na magsagawa ng repair.
Kung mabigo o tumanggi ang contractor na sumunod sa utos na ito, isasagawa ng Procuring Entity ang naturang repair at may karapatan itong masingil nang buo ang mga gastusing natamo nito, kapag hiningi na ang reimbursement, ayon sa resolusyon.
“It is imperative for Congress to review the mandate of the DPWH in setting the necessary standards and the specifications, including those that have been foreseen and are foreseeable, in the designs and construction of our public works, to exercise its oversight function over the implementation of the Asset Preservation Program funded under the annual appropriations, and determine the compliance of the contractors with the design and engineering standards,” ani Lacson. Ernie Reyes