GENEVA, Switzerland – Nagbabala ang World Health Organization (WHO) na ang kasalukuyang Ebola outbreak sa Democratic Republic of Congo ay maaaring malampasan ang pinakamalalang Ebola outbreak noong 2014–2016 sa West Africa na kumitil ng mahigit 11,000 katao.
Sa ngayon, mahigit 2,000 na ang nasawi mula sa higit 4,300 kaso ng Ebola sa silangang bahagi ng Congo. Bagama’t idineklara lamang ang outbreak noong Mayo 15, natuklasan ng mga awtoridad na nagsimula na ito noong Pebrero.
Ayon sa WHO, ito ang pinakamabilis na lumalalang Ebola outbreak sa kasaysayan. Ang sanhi nito ay ang Bundibugyo virus, na wala pang aprubadong bakuna o gamot. Isinasagawa na ngayon ang pagsusuri sa dalawang posibleng bakuna at dalawang posibleng paggamot para sa naturang uri ng virus.
Nahihirapan ang mga health worker na makontrol ang pagkalat ng sakit dahil maraming kaso ang nasa liblib at conflict-affected na lugar na kulang sa imprastraktura at pasilidad. May mga health worker ding nagwelga dahil sa hindi pagbabayad ng sahod, habang patuloy na kumakalat ang maling impormasyon tungkol sa Ebola.
Ayon sa WHO, maaaring maabot ang rurok ng outbreak sa loob ng anim na buwan, ngunit posibleng tumagal ito ng siyam hanggang labindalawang buwan sa pinakamasamang sitwasyon.
Ipinakita rin ng bagong pag-aaral na malamang na nagsimula ang outbreak matapos mailipat ang virus mula sa isang nahawaang hayop patungo sa tao. RNT/MDS