MANILA, Philippines – Arestado ang isang lalaki matapos magbanta at magpaputok ng baril sa Tondo, Maynila madaling araw ng Huwebes, Agosto 13.
Sa imbestigasyon ng Manila Police District-Station 7, mahaharap ng kasong Grave Threat, Alarm Scandal at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek na si Henry Picar, residente ng Brgy. 50.
Si Picar ay nagtamo ng tama ng bala sa hita bunsod ng kanyang pagpapaputok at sa nangyaring komosyon habang siya ay tinangkang awatin ng ilang residente.
Tumatayong complainant si Ma.Corazon Valles, 61 anyos na pinagbantaan na papatayin nang hikayatin niya ang suspek na umuwi na at tigilan na ang pagwawala.
Sa kabila nito, lalong nagalit ang suspek kay Valles kaya namagitan ang kanyang kapatid na si Gary Valles upang mahupain ang sitwasyon.
Dito na bumunot ng baril ang suspek na nakasukbit sa kanyang kaliwang bulsa kung saan tinangkang agawin ni Corazon dahilan para pumutok.
Nang dumating ang mga rumisponde ng pulis, agad na inaresto ang suspek at narekober sa kanya ang isang Glock 21C at isang magazine, gayundin ang isang basyo ng bala ng 45 caliber. Jocelyn Tabangcura-Domenden