Home METRO Guro sa Lanao del Sur, dinukot ng dalawang armadong lalaki

Guro sa Lanao del Sur, dinukot ng dalawang armadong lalaki

1
0

LANAO DEL SUR, Philippines – Dinukot ng dalawang armadong lalaki ang isang babaeng guro ng pampublikong paaralan habang pauwi sa Maguing, Lanao del Sur noong Miyerkules ng umaga, ayon sa pulisya.

Kinilala ang biktima na si Baesarome Dagalangit Bagul, guro sa Malungun Elementary School at residente ng Barangay Malungun, Maguing.

Batay sa imbestigasyon, sumakay si Bagul sa isang pampasaherong traysikel mula Mulondo patungong Maguing. Pagsapit sa isang liblib na bahagi ng Barangay Lilod, hinarang ng isang pulang Toyota Rush SUV ang kanilang dinaraanan.

Bumaba umano ang dalawang suspek, kabilang ang isang lalaking kilala lamang sa alyas na “Arab,” at puwersahang isinakay si Bagul sa SUV bago tumakas patungo sa hindi pa matukoy na direksiyon.

Naireport ang insidente bandang 2:30 ng hapon ng barangay secretary ng Malungun at ng traysikel driver sa Maguing Municipal Police Station. Agad namang nag-alerto ang pulisya sa mga kalapit na himpilan upang matunton ang mga suspek.

Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang motibo ng pagdukot. Nangyari ang insidente habang umiiral ang election gun ban sa buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) bilang paghahanda sa parliamentary elections sa susunod na buwan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here