BAGUIO, Philippines – Idineklara ng Baguio City government ang ground zero ng landslide sa Barangay Guisad Surong bilang no-build zone matapos matabunan ang tatlong bahay at masawi ang 10 katao kasagsagan ng habagat.
Ayon kay Mayor Benjamin Magalong, hindi na papayagang bumalik o magtayo ng bahay ang mga residente sa lugar dahil nakita ng mga city engineer na hindi na matatag ang lupa at delikado na itong tirhan.
Mahigit 20 pamilya ang pansamantalang nananatili sa Baguio International Academy. Nangako ang pamahalaang lungsod na hahanapan sila ng pansamantalang inuupahang tirahan habang inihahanda ang permanenteng relocation site.
Sinabi rin ni Magalong na sasagutin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ₱10,000 buwanang upa ng mga apektadong pamilya sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan habang inaayos ang pangmatagalang pabahay.
Nakipag-ugnayan na rin ang lungsod sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) at Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa karagdagang pagsusuri, paglilinis ng lugar, at pagbuo ng mga hakbang upang maiwasan ang kaparehong insidente sa hinaharap.
Ayon kay Magalong, nagkaroon na rin ng landslide sa lugar noong dekada 1970, malapit sa pinangyarihan ng nakamamatay na pagguho nitong Linggo. RNT/MDS