Home NATIONWIDE BOC-Port of Manila nakalikom ng P4.75M sa public auction

BOC-Port of Manila nakalikom ng P4.75M sa public auction

1
0

MANILA, Philippines — TINATAYANG nasa ₱4.749 milyon ang nalikom ng Bureau of Customs–Port of Manila (BOC-POM) mula sa dalawang public auction na isinagawa nitong Hulyo 2026.

Ayon sa BOC, isinagawa ang mga auction sa pangunguna ng Auction and Cargo Disposal Division (ACDD) bilang bahagi ng transparent at maayos na disposisyon ng mga nasamsam at forfeited na produkto, habang nakapagbibigay din ng karagdagang kita sa pamahalaan.

Sa unang auction noong Hulyo 14, dalawang sale lots na kinabibilangan ng mga bote ng whisky, prefabricated house at mobile food carts ang matagumpay na naibenta sa mga kwalipikadong bidder. Umabot sa ₱3,964,250 ang kabuuang nalikom mula rito.

Samantala, sa ikalawang public auction noong Hulyo 30, isang sale lot na naglalaman ng dalawang used truck-mounted aerial platforms ang na-award sa bidder. Nakalikom dito ng ₱785,200, kabilang na ang registration fees.

Isinagawa ang dalawang auction alinsunod sa umiiral na customs laws, rules at regulations para sa disposisyon ng mga nasamsam at forfeited na produkto.

Pinangasiwaan naman ang mga aktibidad ni Port of Manila District Collector Rizalino Jose C. Torralba, na tiniyak ang pagsunod sa mga itinakdang proseso at pagsusulong ng transparency, accountability at efficiency sa operasyon ng customs.

Pinuri ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang Port of Manila sa matagumpay na pagsasagawa ng mga auction, partikular sa pagpapanatili ng isang transparent, maayos at episyenteng proseso habang pinoprotektahan ang interes ng pamahalaan.

Ayon naman kay Torralba, bawat matagumpay na auction ay pagkakataon upang makalikom ng karagdagang kita para sa gobyerno at matiyak na maayos na naitatapon o naipagbibili ang mga nasamsam at forfeited na produkto.

Sinabi ng BOC na ang resulta ng mga auction ay bahagi ng patuloy nitong pagsisikap na palakasin ang transparent asset disposal at revenue generation. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here