MANILA, Philippines – Inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa House of Representatives ang walong panukalang batas na naglalayong palawakin ang pampublikong edukasyon sa kolehiyo sa pamamagitan ng pagtatatag o pagpapalit ng 13 regular na kampus ng mga state university and college (SUC) sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Ayon kay House Committee on Higher and Technical Education Chairperson at TINGOG Party-list Representative Jude Acidre, dahil sa tinaas na ang saklaw ng mga uniberdidad ay mas marami na ang makakapag enrol sa kolehiyo.
“Para sa maraming pamilya, hindi lang tuition ang iniisip kapag may anak na gustong magkolehiyo. Nariyan din ang pamasahe, tirahan, pagkain, at ang hirap ng pag-aaral nang malayo sa pamilya. By bringing quality public higher education closer to our communities, we give more young Filipinos a fairer chance to pursue their dreams,” ani Acidre.
Ang walong panukalang inaprubahan ng Kamara ay ang mga sumusunod:
House Bill No. 9797 — Pagtatatag ng regular na kampus ng University of Southern Mindanao sa Munisipalidad ng Pigcawayan, Lalawigan ng Cotabato, na kikilalanin bilang University of Southern Mindanao–Pigcawayan Campus;
House Bill No. 9864 — Pagtatatag ng mga regular na kampus ng University of Science and Technology of Southern Philippines sa mga Munisipalidad ng Talakag at Sumilao, Lalawigan ng Bukidnon;
House Bill No. 9865 — Pagtatatag ng regular na kampus ng University of Science and Technology of Southern Philippines sa Barangay Lumbia, Lungsod ng Cagayan de Oro, na kilalanin bilang University of Science and Technology of Southern Philippines–Lumbia Campus;
House Bill No. 9866 — Pagtatatag ng regular na kampus ng Benguet State University sa Munisipalidad ng Kapangan, Lalawigan ng Benguet, na kilalanin bilang Benguet State University–Kapangan Campus;
House Bill No. 9886 — Pagsasalin ng mga extension campus ng Cavite State University sa mga Lungsod ng Cavite at Bacoor at sa mga Munisipalidad ng Carmona at Silang, Lalawigan ng Cavite, tungo sa pagiging mga regular na kampus;
House Bill No. 9900 — Pagtatatag ng regular na kampus ng Dr. Emilio B. Espinosa, Sr. Memorial State College of Agriculture and Technology sa Munisipalidad ng Placer, Lalawigan ng Masbate, na kilala bilang Dr. Emilio B. Espinosa, Sr. Memorial State College of Agriculture and Technology–Placer Campus;
House Bill No. 9901 — Pagtatatag ng regular na kampus ng Visayas State University sa Munisipalidad ng Hilongos, Lalawigan ng Leyte, na kilalanin bilang Visayas State University–Hilongos Campus; at
House Bill No. 9931 — Pagtatatag ng mga regular na kampus ng North Eastern Mindanao State University sa Lungsod ng Bislig at sa Munisipalidad ng Hinatuan, Lalawigan ng Surigao del Sur.
Ipinaliwanag ni Acidre na palalakasin ng mga hakbang na ito ang presensya ng mga state university and college sa mga lugar kung saan ang distansya at gastos sa pag-aaral sa malayo ay nagiging balakid sa tertiary education.
Nakapaloob din sa panukala na bumuo ng mga programa alinsunod sa pangangailangan ng mga komunidad upang matiyak na ang pagpapalawak ay lumikha ng oportunidad sa pag-aaral, trabaho, at lokal na pag-unlad.
“Opening a campus is only the beginning. Every new campus must become an institution that students and families can trust, with strong academic standards, programs that respond to real opportunities, and an education that allows young people to build a future within their own communities,” pahayag ni Acidre.
“At the heart of these measures is a simple promise: where a Filipino learner lives should not determine how far education can take them. We want to bring opportunity closer to our people, while making sure that every campus we establish offers the quality and dignity that every Filipino student deserves,” pagtatapos pa ni Acidre. Gail Mendoza