Home NATIONWIDE Malakanyang sa 2028 elections: Maging mapanuri sa survey, ebidensiya

Malakanyang sa 2028 elections: Maging mapanuri sa survey, ebidensiya

1
0

MANILA, Philippines – Hinikayat ng Malakanyang ang mga filipino na tingnan ang katotohanan at lahat ng available na ebidensiya sa pag-assess ng political developments, matapos mapaulat na halos dikit ang nakuhang numero ng tambalang Naga City Mayor Leni Robredo at Sen. Raffy Tulfo at tambalang Vice President Sara Duterte at Sen. Imee Marcos sa isinagawang hypothetical 2028 election match-up survey ng OCTA Research.

“Tingin ko dapat tumingin ang mga kababayan natin sa katotohanan,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nang tanungin kung ang nagpapatuloy na impeachment trial ay maaaring magsilbi bilang barometro ng mga filipino sa kanilang presidential preferences para sa 2028 elections.

“Kung ano iyong nakikitang ebidensiya, dapat maging mulat sila kung ano iyong katotohanan,” ani Castro.

Pinag-iingat naman ni Castro ang publiko laban sa pagtrato sa resulta ng survey bilang definitive indicators ng public sentiment, sabay sabing may ilang polling firms ang maaaring gamitin ito para sa political purposes.

“May mga pagkakataon po kasi — hindi natin nilalahat; maraming maaayos na survey firms — pero may mga survey firms na baka nagagamit sa pamumulitika,” aniya pa rin.

“Nagkakaroon ng mind conditioning, para iangat iyong kanilang mga parokyano,” dagdag na pahayag ni Castro.

Hinikayat din ni Castro ang publiko na suriing mabuti ang mga ebidensiya sa mga lumalabas na resulta sa survey bago pa gumawa ng political judgments.

“So, mas maganda po tumingin tayo sa lahat ng ebidensiya, hindi sa sinabi ng isa, ito ang na-survey dito, kung ano iyong katotohanan, doon lang po mas magiging maayos ang pagde-decide ng bawat Pilipino,” ani Castro.

“Maging mapanuri lang,” paalala ni Castro.

Sa ulat, batay sa Tugon ng Masa survey ng OCTA Research, 45% sa mga respondents ang nagsabi na iboboto nila si Robredo bilang presidente at si Tulfo bilang bise presidente habang nasa 42% naman ang nagsabi na iboboto nila si Duterte bilang presidente at Marcos bilang bise presidente.

Kung susuriin ay halos dikitan lang kapag ang diperensya ng resulta sa pagitan ng dalawang pagpipi­lian ay mas maliit kaysa sa margin of error ng survey.

Nasa 3% lamang ang diperensya sa tambalang Robredo-Tulfo at Duterte-Marcos tandem habang ang survey ay may margin of error na ±3 percentage points.

Ginawa ang survey noong Hulyo 4 hanggang 11 gamit ang face-to-face interviews sa 1,200 na respondents na may edad na 18-anyos at may 95 percent confidence level.

Pinakamalakas ang tambalang Robredo-Tulfo sa Balance Luzon na may 61%, habang malakas naman ang tambalang Duterte-Marcos sa Mindanao na may 90 %.

Sa socioeconomic class, nakakuha ang tambalang Robredo-Tulfo sa Class D (48%),Classes ABC (41%), at Class E (33%). Nakakuha naman ng pinakamataas na puntos ang Duterte-Marcos sa Class E (53%), Class D (41%), at Classes ABC (37%). (KRIS JOSE) 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here