Home HOME BANNER STORY Sandamakmak na basura sa Baclaran-Redemptorist Water Channel, nalimas nang lahat

Sandamakmak na basura sa Baclaran-Redemptorist Water Channel, nalimas nang lahat

1
0

MANILA, Philippines – Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Parañaque nitong nakaraang Huwebes na sa loob ng apat na araw ng puspusang paglilinis ay nahakot na ang lahat ng basurang naipon sa Baclaran-Redemptorist Water Channel na inanod umano mula sa mga karatig-lungsod at lalawigan bunsod ng pananalasa ng hangging Habagat.

Ito ang pahayag ni Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez kasabay ng kanyang pagpuri at pasasalamat sa mga kawani ng pamahalaang lungsod na nakibahagi sa pagsasagawa ng malawakang clean-up operations mula Agosto 10 hanggang 14, katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Pinupuri at pinasasalamatan natin lahat ng kawani na nagtulung-tulong upang maalis ang nakabarang basura. Kayo ay tunay na mga bayani ng Parañaque,” ani Olivarez.

Sinabi ni Olivarez na sa datos na kanyang natanggap ay umabot sa 203 truckloads o 748.87 metriko tonelada na katumbas ng 2,246.6 cubic meters ng basura ang nahakot ng mga kawani ng pamahalaan mula sa Redemptorist Water Channel sa Barangay Baclaran, Parañaque.

Naipon sa daluyan ng tubig ang mga basura mula sa mga karatig-lalawigan at lungsod matapos itulak ng high tide ang basura mula sa Manila Bay papasok sa channel kasabay ng matinding pag-ulan dulot ng Habagat. Lalong pinalala ito ng mga basurang nagmula sa mga upstream area na inanod patungo sa mga ilog at sapa ng Parañaque.

“Ngayon na malinis na ang daluyan ng tubig, naibalik na ang kapasidad nito na dalhin at padaluyin ang tubig-ulan, kaya mababawasan na rin ang panganib ng pagbaha sa mga kalapit na komunidad tuwing malakas ang ulan at high tide,” ani Olivarez.

Hiniling din ng Olivarez sa publiko na sundin ang wastong pagtatapon ng basura upang hindi na muling maging problema ang mga baradong daluyan ng tubig.

“Tayo po’y magtulungan upang makamit ang layunin na tuluyang mawala ang problema sa pagbaha sa Metro Manila kahit pa masama ang panahon, lalo na’t ang tubig-baha ay may dulot na panganib at maaaring pagmulan ng sakit,” ani pa Olivarez.

Kaugnay nito ay nanawagan din si Olivarez sa mga karatig-lungsod at lalawigan na tiyaking maayos ang pagtatapon ng basura sa kani-kanilang nasasakupan, partikular sa mga lugar na nakapaligid sa Manila Bay.

“Kami po ay nakikiusap sa ating mga karatig-lugar na tiyakin ang maayos na pagtatapon ng basura sa kanilang mga nasasakupan. Hindi lang po ito dahil Parañaque ang naging ‘catch basin’ ng basura ngayong bugso ng Habagat, kundi para sa mas malawak na kapakanan nating mga nakatira sa paligid ng Manila Bay,” ani ng alkalde.

Kinikilala rin ng mga awtoridad, kabilang si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na malaking bahagi ng mga basurang naipon sa Parañaque ay inanod lamang mula sa mga karatig-lugar.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, malinaw sa mga larawan na lubusang nabarahan ng basura ang channel at ang mga ito ay hindi nagmula sa Parañaque kundi sa ibang mga lugar.

Ipinaliwanag ni Dizon na ang mga basura mula sa upstream areas sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan ay inanod patungo sa mga ilog at sapa ng Parañaque.

“‘Yong Parañaque River, ‘yong tubig ng Las Piñas, Muntinlupa, kasama ang kanilang basura, diyan din dumadaan. Kapag nag-high tide po ‘yan, hindi makalabas ‘yong tubig doon sa mga drainage. Kapag nawala si high tide, ang bilis naman lumalabas ng tubig,” paliwanag ni Olivarez.

Nasa high tide ang Manila Bay noong Sabado, kasabay ng pag-ulan dulot ng Habagat, na naging dahilan ng pagtaas ng tubig-baha sa ilang bahagi ng Parañaque.

Ayon kay Olivarez, pinag-uusapan na ng Metro Manila Council (MMC) ang plano na pagtatayo ng floodgate sa bunganga ng Parañaque River na maaaring isara tuwing high tide sa Manila Bay.

Aniya, maaaring maging isa ito sa mga pangmatagalang solusyon upang maiwasan ang muling pagbabara sa Baclaran Water Channel. (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here