Home NATIONWIDE LGUs kinalampag ng Senado sa pagtatayo ng evacuation center  

LGUs kinalampag ng Senado sa pagtatayo ng evacuation center  

3
0

MANILA, Philippines – Mistulang kinalampag ni Senate President Sherwin “Win” Gatchalian ang lahat ng local government units (LGUs) na magtayo ng sariling evacuation centers na gagamitin tuwing may kalamidad kaysa pampublikong paaralan.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na patuloy at magpapatuloy ang pananalasa ng bagyo sa bansa kaya’t mahalagang tuparin ng LGUs ang pagpapatayo ng permanenting evacuation center sa ilalim ng Ligtas Pinoy Act.

Aniya, mahalaga ang pagpapatayo ng permanenting evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad sa gitna ng patuloy na pananalasa ng habagat sa ilang bahagi ng bansa.

Alinsunod ang panawagan sa Ligtas Pinoy Centers Act, na inaatasan ang lahat ng LGUs sa pagtatayo ng evacuation centers sa lahat ng lungsod at munisipalidad.

Magbibigay ang mga center na ito ng agaran at pansamantalang silungan para sa mga taong lumikas dahil sa mga kalamidad at iba pang sakuna.

Iniulat ng Department of Education (DepEd) na 522 classrooms sa 134 na paaralan ang ginagamit ng 2,815 pamilya.

Kung may sariling evacuation centers ang mga lungsod at munisipalidad, hindi na kailangang gamitin ang classrooms at iba pang school facilities bilang pansamantalang matutuluyan ng mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad, giit ni Gatchalian.

Binigyang-diin din ng Pangulo ng Senado na maaaring maantala ang ligtas na pagpapatuloy ng mga klase pagkatapos ng mga kalamidad kapag ginagamit ang mga silid-aralan bilang evacuation centers.

“Ipinasa natin ang Ligtas Pinoy Centers Act upang tiyaking may ligtas na mapupuntahan ang ating mga kababayang nasalanta ng mga kalamidad. Kailangang tiyakin nating maipapatayo ang mga evacuation centers alinsunod sa mandato ng batas para sa kaligtasan ng ating mga kababayan,” pahayag ni Gatchalian, co-author at co-sponsor ng batas.   Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here