MANILA, Philippines – Nangako ang Department of Labor and Employment (DOLE) na gagamitin ang lahat ng legal na paraan upang kuwestiyunin at ipawalang-bisa ang desisyon ng Pasig Regional Trial Court na nagpalawig sa pagsuspinde ng ₱85 minimum wage increase sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, lalaban ang DOLE para sa karapatan ng mga manggagawa dahil maraming pamilya ang umaasa sa kanilang sahod para sa pagkain, tirahan, at disenteng pamumuhay.
Sinabi rin ni Tolentino na ang desisyon ng korte ay hindi lamang nagpahinto sa wage hike kundi nakaapekto rin sa kabuhayan ng mga pamilyang manggagawa.
“We will use all the legal means to fight and void this decision, and to fight for the rights of our workers. Behind every worker is a family that is dependent on their salary for food, home and decent living.”
Dagdag niya, bawat piso ay mahalaga sa panahong ito at hindi iiwanan ng DOLE ang mga manggagawa hangga’t hindi nila nakukuha ang nararapat na benepisyo. RNT/MDS