Home NATIONWIDE DepEd naglaan ng P19.14M para sa paaralang hagip ng Habagat

DepEd naglaan ng P19.14M para sa paaralang hagip ng Habagat

1
0

MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Department of Education (DepEd) ang pagproseso ng ₱19.14 milyong paunang pondo upang maipagpatuloy agad ang pag-aaral matapos ang matinding epekto ng habagat at ng Bagyong Luis at Maymay.

Ayon sa DepEd, gagamitin ang pondo para sa paglilinis ng 1,244 apektadong paaralan at minor repairs sa 4,259 silid-aralan na nagtamo ng bahagyang pinsala.

Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na pangunahing prayoridad ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at kawani, ngunit kailangan ding mapabilis ang pagbabalik sa ligtas na pag-aaral upang maiwasan ang matagal na pagkaantala ng klase.

Batay sa pagtataya nitong Biyernes, walong rehiyon at 73 dibisyon ng DepEd ang naapektuhan. Umabot sa 8.4 milyong mag-aaral at 365,308 kawani ng DepEd ang naapektuhan ng suspensyon ng face-to-face classes sa 12,477 pampublikong paaralan.

Sa kasalukuyan, 230 pampublikong paaralan ang ginagamit bilang evacuation centers na kumukupkop sa 6,840 pamilya sa 837 silid-aralan.

Naitala rin ang 1,423 silid-aralan na may malaking pinsala at 1,395 na tuluyang nawasak. Nasira rin ang 16,981 learning materials, 11,151 school chairs, at 579 IT equipment.

Pinayagan ang mga paaralang hindi ligtas pasukan o ginagamit bilang evacuation center na gumamit ng alternative learning delivery modalities upang maipagpatuloy ang pag-aaral habang nagpapatuloy ang monitoring at koordinasyon ng DepEd, mga LGU, at disaster management councils. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here