MANILA, Philippines – Tiniyak ni Executive Secretary Ralph G. Recto na patuloy na palalakihin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pondo at direktang suporta sa mga lokal na pamahalaan upang mas mabilis na maihatid ang serbisyo sa mga Pilipino.
Ito ang mensahe ni Recto matapos niyang tanggapin ang Presidential Action Agenda ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) sa Mindanao Island Cluster Conference sa Cebu City, araw ng Huwebes, Agosto 13.
Inanunsyo ng Executive Secretary na sa 2027, aabot sa halos P1.4 trilyon ang National Tax Allotment (NTA) ng mga LGU—pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa.
“Halos 30% ng lahat ng koleksyon ng buwis ng pamahalaan ay awtomatikong ibinababa sa ating mga lokal na pamahalaan. Ito ang pinakamalaking pondong direktang mapupunta sa mga LGU sa kasaysayan ng bansa,” ani Recto.
Pinakamalaking bahagi ng NTA ang mapupunta sa 1,491 munisipalidad, na tatanggap ng kabuuang P448.70 bilyon.
Samantala, kabuuang P 303.56 bilyon ang mapupunta sa 83 lalawigan, P303.56 bilyon sa 149 lungsod, at P 263.97 bilyon sa 41,912 barangay sa buong Pilipinas.
Bukod sa NTA, patuloy ding palalakasin ng administrasyon ang Local Government Support Fund (LGSF), na direktang nagpopondo sa mga programa at proyektong kailangan ng mga komunidad.
Sa ilalim ng 2027 proposed national budget, may P58.53 bilyonang nakalaan para sa LGSF—pinakamataas na antas sa kasaysayan.
“Hindi namin gustong diktahan ang mga LGU kung ano ang dapat gawin. Ang gusto namin ay makinig sa inyo, makipagtulungan sa inyo, at maghatid ng resulta kasama ninyo,” sabi ni Recto.
Kabilang sa mga sinusuportahan ng LGSF ang pamamahagi ng 10 kilong libreng bigas kada dalawang buwan sa halos walong milyong pamilyang Pilipino.
May pondo rin sa ilalim nito para sa mga kalsada, farm-to-market roads, water systems, health facilities, at multipurpose buildings na maaari ring gamiting evacuation centers tuwing may kalamidad.
Pinasimple na rin ng pamahalaan ang proseso ng pag-request ng LGSF upang bawasan ang requirements, pabilisin ang paglabas ng pondo, at masimulan agad ang mga proyekto.
Bukod dito, bawat barangay sa buong bansa ay makakatanggap ng PHP 200,000 mula sa Presidential Socio-Civic Projects Fund, o mahigit PHP 8 bilyong direktang suporta para sa limang Presidential Scholars at mga development project sa bawat barangay.
Binigyang-diin ni Recto na malinaw ang utos ng Pangulo: kapag gumagana at tunay na nakakatulong sa tao ang mga programa ng mga LGU, mas palalakihin, dadagdagan, at palalawakin pa ng gobyerno ang suporta.
Kasama sa pagtitipon ng LMP Mindanao Island Cluster Conference sina Secretary of the Office of the Presidential Assistant for the Visayas (OPAV) Philip Lo, Cebu Province Governor Pamela S. Baricuatro, National President of the LMP Mayor Faustino “Inno” Dy V, LMP Vice President for the Mindanao Cluster Mayor Leonard T. Escobillo, at LMP-Cebu President Cesar Suan. (KRIS JOSE)