MANILA, Philippines – NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na maging mahinahon at pairalin ang pagiging makatao na may respeto sa karapatan lalong lalo sa buhay ng bawat mamamayan.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ipinag-utos ng Pangulo sa lahat ng kinauukulang ahensya ng gobyerno na mas lalong paigtingin ang seguridad sa komunidad ng Bangsamoro at ang malalim na pag iimbestiga para malaman at mapanagot ang mga nasa likod ng pag atake na ito.
Ang naganap na karahasan ani Castro na ginawa kina BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua at mga kasamahan nito ay kinokondena ng Pangulo ngunit sinisiguro naman na hindi ito magpapahina sa naisin ng gobyerno para sa BARMM communities na magkaroon ng maayos na paglipat o pagbabago patungo sa pamamahalang demokratiko.
Nauna rito, muling inulit ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interim Chief Minister Abdulraof Macacua na hindi balakid ang tangkang pagpatay sa kanya mula sa pagsusulong ng kapayapaan sa rehiyon.
Mariing kinondena ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ang pananambang sa convoy ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua sa Barangay Bitu, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Sabado.
“This incident will not derail our commitment to democratic progress,” ang sinabi ni Macacua.
“It does not weaken our resolve to hold the first Bangsamoro Parliamentary Elections; if anything, it strengthens our determination to ensure that the voice of the people, rather than the force of arms, dictates the future of our region,” aniya pa rin.
Hindi naman nasaktan si Macacua at kanyang staff sa nasabing pananambang. Gayunman, tatlong luxury vehicles, kabilang na ang isa kung saan siya nakasakay ay nagtamo ng butas ng bala.
“This tragic attempt underscores a painful reality: our society still has much work ahead to achieve true, lasting peace and maturity,” aniya pa rin.
Samantala, mariing kinondena ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ang pananambang sa convoy ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua sa Barangay Bitu, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Sabado.
“We are relieved that Chief Minister Macacua and members of his delegation are safe,” ani Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Secretary Mel Senen Sarmiento sa isang pahayag.
Nanawagan din si Sarmiento sa publiko na manatiling kalmado, iwasang magpakalat ng espekulasyon o agad magturo ng responsable, at hayaang magsagawa ng masusi at patas na imbestigasyon ang mga awtoridad.
Giit niya, dapat managot sa batas ang sinumang mapatutunayang responsable sa insidente.
Aniya, may pananagutan ang lahat ng political parties, kandidato, tagasuporta at botante na tiyaking ligtas at malaya ang paglahok ng bawat isa sa halalan.
Hinimok din niya ang lahat ng sektor na suportahan ang Commission on Elections (Comelec) at security forces sa pagpapanatili ng mapayapa, maayos at kredibleng halalan. KRIS JOSE